Showbiz News

Tekla, nagsalita tungkol sa diumano'y pakikipagbalikan sa dating partner na si Michelle

By Cherry Sun

Naglabas na ng kanyang pahayag si Tekla kaugnay ng usap-usapang nagkabalikan na siya at ang kanyang dating live-in partner at ina ni baby Angelo na si Michelle.

Nag-live si Tekla at ang kanyang best friend na si Donita Nose sa kanilang joint YouTube channel na DonEkla in Tandem upang linawin ang kumakalat na isyu.

Dito ay hindi itinanggi ng TBATS host na dumadalas nga ang kanyang pag-alis ng bahay dahil mayroon siyang pinupuntahan.

“Kay Michelle, siyempre [para bisitahin] 'yung anak ko,” wika niya.

October 2020 nang tuluyang maghiwalay sina Tekla at Michelle. Naudlot man ang kanilang pag-iibigan, patuloy silang nauugnay bilang mga magulang ni baby Angelo.

Paliwanag ni Tekla, ayon sa batas sa Pilipinas ay mananatili ang bata sa kustodiya ng ina kung sakaling maghiwalay ang mga magulang nito. Nirespeto na lamang daw ito ng komediyante upang maiwasang magkaroong muli ng gulo ngunit hindi raw niya tinatalikuran ang kanyang responsibilidad sa kanyang anak.

Dagdag pa niya, kaya't napapadalas ang kanyang pagbisita rito ay dahil sa maselan nitong kalusugan. Maaalalang ipinanganak din si baby Angelo na may anorectal malformation o walang butas ang puwit.

Ani Tekla, “Ang condition po kasi ni baby Angelo ay napakaselan. Unang una sa cleft, may cleft palate siya. Parang bingot pero sa loob. Biyak 'yung ano ni Angelo dito, 'yung kanyang ngala-ngala. So hindi siya nakaka-intake na food directly.”

Maliban dito, ay lumaki rin daw bigla ang itlog ng bata.

“So naghahanap kami ng hospital kung saan siya puwedeng i-ano (ipa-check). Buti na lang humupa na ngayon.”

Todo asikaso man siya sa kanyang anak, hindi raw nangangahulugang nagkaayos na sila ng ina nito. Diin ni Tekla, hindi sila nagkabalikan ni Michelle.

“To clear lang ang issue, wala po. Kasi 'yan ano na 'yan kay Michelle, may malaking parte ako diyan na kailangan kong [gampanang] responsibilidad.

“Wala naman na sa akin 'yun. Sabi ko, forgive and forget. Nagkataon lang na meron siyempre importanteng obligasyon na hindi mo puwedeng talikuran.”

Samantala, nangako rin si Donita Nose sa DonEkla fans na gagabayan niya ang kanyang kaibigan sa mga desisyon nito sa buhay, at dapat walang ipag-alala ang mga ito.

Panoorin ang kanilang vlog dito:

Balikan sa gallery sa ibaba ang mga pagsubok at tagumpay na naranasan ni Tekla: