Showbiz News

LJ Reyes, inaming hindi 'mutual decision' ang paghihiwalay nila ni Paolo Contis

By Aimee Anoc

Inamin ni LJ Reyes na hindi "mutual" ang naging desisyon ng paghihiwalay nila ni Paolo Contis.

Sa panayam kay Boy Abunda noong Miyerkules, ibinahagi ni LJ na siya ang kumumpronta kay Paolo.

"Hindi siya mutual kasi naniniwala po ako na kapag mutual ang isang desisyon, pareho kayong sumasang-ayon na hindi na nagwo-work 'yung relationship," sabi ng aktres. "Ramdam na ramdam ko po na ibang iba na.

"Kasi matagal ko nang nararamdaman na parang nakahiwalay na siya sa amin. Ramdam na ramdam ko po 'yun. Pero honestly, ako po 'yung nagsabi na parang nasa ibang mundo na po siya at parang pakiramdam ko, inaantay niya lang na manggaling sa 'kin," dagdag pa nito.

Ikinuwento rin ng aktres ang napapansin niyang madalas na paglabas ni Paolo simula noong nakaraang taon, na para sa kanya ay hindi normal.

"Madalas po siyang wala sa bahay," sabi nito. "He's very home buddy. Kung puwedeng hindi umalis ng bahay, 'di naman siya aalis ng bahay."

Dahil sa napansing pagbabago kay Paolo, tinanong ni LJ ang aktor noong mga panahong iyon, "'Are we okay? Parang iba ka na? Hindi ko na napi-feel 'yung dating ikaw.'"

Kung saan daw sinabi na lamang sa kanya ng aktor, "'Akala mo lang 'yun. Ganu'n pa rin naman.'"

Inamin ni LJ na masakit at hindi madali ang desisyon ng paghihiwalay nila ni Paolo.

"It was so difficult. It was so painful. Siguro kung hindi malakas 'yung pananampalataya ko sa Panginoon, 'di ko alam saan ako pupulutin. Kung hindi matibay pagmamahal ko sa mga anak ko para maging motivation siya sa 'kin to stand up and wake up every day, 'di ko alam sa'n ako pupulutin," sabi ni LJ.

Naging usap-usapan ang paghihiwalay nina Paolo at LJ simula nang mapansin ng publiko na binura na ng aktor ang lahat ng larawan ng aktres sa Instagram nito.

Kasalukuyan nasa Amerika si LJ kasama ang kanyang dalawang anak na sina Ethan Akio at Summer Ayana, at ang kanyang pamilya.

Anim na taong nagsama sina LJ at Paolo at biniyayaan sila ng isang anak na si Summer.

Samantala, tignan sa gallery sa ibaba ang anak nina Paolo Contis at LJ Reyes na si Summer Ayana: