Showbiz News

Glaiza De Castro, naghahanda na para sa kasal sa Pilipinas

By Jansen Ramos

Matapos ang kanilang traditional wedding sa Ireland, naghahanda na rin ang newlyweds na sina Glaiza De Castro at David Rainey para sa kanilang kasal sa Pilipinas.

Ayon sa aktres sa exclusive feature ng Kapuso Mo, Jessica Soho, dito nila gagawin sa bansa ang pagpapalitan nila ng singsing ng mister niyang Irish, bagay na hindi nila ginawa sa kanilang private Irish wedding. Imbes na magpalitan ng wedding bands, isinagawa nila ang traditional Celtic ritual na handfasting para sa kanilang marriage vows.

"We didn't do the exchange of rings kasi we wanted to save that here," sabi ni Glaiza.

Ayon pa sa False Positive actress, sa simbahan nila plano magpakasal dito sa Pilipinas.

Sa panyam ng GMANetwork.com kay Glaiza noong June 2021, bahagi niya, "Si David, 'di n'ya alam 'yung konsepto ng ninong at ninang kasi 'yung ninong at ninang sa atin sampu-sampu gano'n, bente-bente.

"Sa kanila, isa lang. Isa lang ang kailangan mong ninong, isa lang ang kailangan mong ninang.

"So kailangan pa namin 'yun pag-usapan kasi malamang 'yung mga ninong/ninang na 'yan, manggagaling mostly from my side. Parang sa kanya siguro, isa lang talaga."

Bagamat, inaasahang dadaluhan ito ng angkan ni Glaiza, at ng mga kaibigan at kasamahan niya sa showbiz, gusto pa rin daw nila ni David na maging simple at intimate ito bilang pag-iingat na rin sa banta ng COVID-19.

"Maaapektuhan talaga 'yung number of guests and we also want it as intimate as possible kasi 'di naman din kami 'yung tipo ng tao na engrande e."

Ikinasal sina Glaiza at David sa Northern Ireland noong October 2021.

Narito ang kanilang official wedding photos: