Showbiz News

Buong pangalan ni Kiray Celis, naka-tattoo sa braso ng kanyang boyfriend?

By Jimboy Napoles

Pangmatagalan na Valentine gift ang natanggap ng aktres na si Kiray Celis mula sa kanyang non-showbiz boyfriend na si Stephan Estopia.

Sa Instagram, ibinida ni Kiray ang bagong tattoo ni Stephan kung saan makikita ang kanyang buong pangalan na 'Kiray Celis.' Ito raw ang regalo sa kanya ng boyfriend sa araw ng mga puso.

Kuwento ni Kiray, "Hiniling ko lang naman na bigyan ako ng lalaking mahal na mahal ako. Pero ang dumating, mahal na mahal na, patay na patay pa. HAHAHAHAHA! Since hindi daw ako mahilig sa bulaklak, eto daw regalo niya sakin nung valentine's day."

Noong nakaraang taon, una nang ipina-tattoo ni Stephan sa kanyang dibdib ang mga mata ng girlfriend na si Kiray na pinusuan hindi lang ng aktres kundi ng maraming netizen.

Sa panayam noon ng Kapuso Mo, Jessica Soho sa magkasintahan, sinabi rin ni Stephan na plano niya pa na dagdagan ng mga pangalan ng kanilang magiging anak ang una niyang tattoo at wala siyang balak na ipabura ito.

"Hindi ko naman po siya papalitan o buburahin, ginusto ko naman 'to, katawan ko naman 'to kaya hindi ko na po ipapabago talaga,” ani Stephan.

Kapitbahay lamang noon ni Kiray si Stephan na kaibigan din ng kanyang kuya. Dahil sa paglalaro ng Mobile Legends kaya mas naging close daw ang dalawa hanggang sa mapagpasiyahang ligawan na ni Stephan ang aktres. Ngayon, mahigit dalawang taon na silang in a relationship.

Silipin sa gallery na ito ang “road to forever” na relationship nina Kiray Celis at ng kanyang non-showbiz boyfriend na si Stephan Estopia: