Showbiz News

Ana Jalandoni wants ex-BF Kit Thompson to face consequences of his actions: 'Fix yourself.'

By Nherz Almo

Labis ang hinagpis ni Ana Jalandoni nang balikan niya ang mga sandaling humantong sa pananakit sa kanya ng four-month boyfriend niyang si Kit Thompson.

"Hindi ko pa kaya ikwento. Nasaktan po ako," umiiyak na sinabi ni Ana nang humarap siya sa media kasama ang kanyang ama, kapatid, at mga abogado kanina, March 28.

"Hindi ko po kaya [idetalye] pero sasabihin ko na lang po 'yung nararamdaman ko. Masakit po 'yung pinagdaanan ko dahil hindi ko po 'yun nakita, 'di ko inaasahan 'yung ginawa sa akin ng minahal ko. Wala pong babae na gustong masaktan [katulad] ng dinanas ko.

"Marami po akong pinagdaanan sa buhay, lahat po 'yun [nalagpasan ko]. Pero 'yung nangyari sa kanya, hindi ko po alam kung kakayanin ko. Hirap po 'yung isip ko, hirap po 'yung puso ko dahil nasaktan po ako ng lubusan," sabi ng aktres habang humihikbi.

Matatandaan na noong March 18, lumabas ang balitang pambubugbog umano ni Kit sa kanyang girlfriend habang nagbabakasyon sila sa isang hotel sa Tagaytay.

Sa ginanap na press conference, ipinakita ng kampo ni Ana ang mga sugat at pasang tinamo umano ng aktres mula sa pananakit ng binatang aktor na si Kit.

Bukod sa unang lumabas na mga larawan ng mukha ni Ana, nagtamo rin siya ng mga pasa sa hita at, ayon sa kanyang abogadong si Atty. Faye Singson, "indications of strangulations" sa kanyang leeg. Dahil din sa tindi ng pagkakabubog sa mukha ni Ana, naapektuhan ang kanang mata niya, "Kailangan po ng medical attention na hindi panandalian," ani Atty. Singson.

Detalye ng mga pangyayari

Bago ang insidente, ayon kay Ana, napag-usapan daw nila ni Kit ang tungkol sa pagpapakasal.

"Gustung-gusto niya raw po akong pakasalan. Sabi niya, mahal na mahal niya ako, ganyan. 'Tapos ganun din po ako sa kanya.

"'Tapos po, may pina-delete akong mga pictures namin sa social media, naging okay naman po ang usapan namin. 'Tapos ang sunod na tanong niya sa akin tungkol sa ex ko. [Sabi niya], 'Iniwan mo ' yung ex mo, di ba? Hiniwalayan mo siya.' Sabi ko, 'Oo, ang tagal na noon, 2018 pa 'yan. Alam mo kung ano ang nangyari, kung bakit.'

Sa sumunod na pag-uusap, nagbanta umano si Kit kay Ana kung sakaling hiwalayan siya nito. Sabi rin niya, "Akin ka lang. Hindi ka puwedeng mapunta sa iba, akin ka lang."

Tugon naman daw ni Ana, "Mahal kita, hindi kita iiwan."

Pagkatapos daw ng kanilang pag-uusap, lumabas si Ana sa kanilang kuwarto para maghanap ng signal dahil gusto niyang balitaan ang isang kaibigan tungkol sa kanilang bakasyon. Ngunit dahil nakainom na sila ni Kit, nakaidlip daw si Ana sa labas. Nang makita siya ng boyfriend, binitbit raw siya ng aktor pabalik sa kanilang hotel room. Dito raw nagsimula ang galit ni Kit na nauwi sa pananakit sa kanya, "Akala niya raw iniwan ko siya. Paghiga niya sa akin sa bed, sinampal niya ako, na-shock ako.'

Hindi rin daw malinaw ang dahilan ng matinding galit ni Kit, "Ang perception ko lang, akala niya iiwan ko siya dahil ginawa ko sa ex ko."

Walang third party

Mariing nilinaw ni Ana na walang third party sa relasyon nila ni Kit.

"Wala po akong ibang karelasyon, wala pong third party. Mayroon po siyang isang pinagseselosan which is yung ex ko po," sabi ni Ana.

Inamin din niya na kinasal siya noong 2017 sa Amerika, ngunit matapos ang ilang buwan ay naghiwalay din sila ng tinutukoy nyang ex-boyfriend.

"Pero hindi po kami nagsama sa isang bahay. Kasi, September 2017 yun [kasal]. December po kami umuwi ng Pilipinas. January 2018, hiwalay na kami."

Sa ngayon ay hindi pa raw nakikipag-ugnayan muli sa kanya si Kit. Minsan naman daw siyang kinumusta ng ina ni Kit matapos ang insidente sa pamamagitan ng messaging app.

Sa kabila ng pangyayari, inamin ni Ana na, "Mahal ko pa rin siya, 'di naman ganun kadali mawala."

Gayunman, determinado siya at ang kanyang pamilya na ituloy ang reklamo laban sa aktor.

Sa ngayon ay nahaharap si Kit sa reklamong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act.

Aniya, "Siyempre, hindi ko deserve 'yung nangyari sa akin. Hindi ko pa po iniisip kung babalikan ko. Ang iniisip ko ay 'yung karapatan ko bilang babae na hindi katanggap-tangap 'yung nangyari sa akin. Pero 'yung love po, nandun pa rin siya."

Nang tanungin kung ano ang magiging mensahe ni Ana para kay Kit, maikling sagot niya, "Fix yourself."

Sinusubukan ng GMANetwork.com na kunin ang panig ni Kit tungkol sa mga pahayag ni Ana. Sa ngayon, wala pang sagot ang kanyang management tungkol rito, Nanatiling bukas ang website na ito sa anumang pahayag mula kay Kit tungkol sa isyung ito.

Samantala, narito ang ilang pang showbiz hiwalayan na ikinagulat ng publiko: