
Natutuwa ang Sparkle actress na si Rere Madrid sa kapatid na si Ruru Madrid matapos niyang mapanood ang pinagbibidahang pelikula nito na Green Bones.
Ang Green Bones ay ang official entry ng GMA Pictures at GMA Public Affairs sa 50th Metro Manila Film Festival.
Sa panayam ng GMANetwork.com kay Rere, masaya at proud siya sa kanyang nakatatandang kapatid dahil natutupad na nito ang kanyang mga pangarap.
“I'm so proud and thankful, siyempre, kasi unti-unti na niya talagang nakakamit kung ano 'yung mga pangarap lang namin dati,” pagbabahagi niya.
Kuwento pa ni Rere, nais din niyang makagawa ng pelikula gaya ng kanyang kuya na si Ruru.
Aniya, “Hopefully soon makagawa rin ako ng movie kagaya ni kuya.”
Ayon pa sa aktres, nais niyang sumabak sa isang action project dahil pangarap niyang maging action star.
“Gusto ko maging action star. Actually, 'yun 'yung dream ko talaga, mga Gal Gadot ganyan,” kuwento niya.
Bukod kay Ruru, ang Green Bones ay pinagbibidahan din ng Kapuso Drama King na si Dennis Trillo.
Kabilang din sa cast sina Alessandra De Rossi, Wendell Ramos, Michael De Mesa, Ronnie Lazaro, Raul Morit, Royce Cabrera, Sienna Stevens, Sofia Pablo, Pauline Mendoza, at Iza Calzado.
Ang nasabing pelikula ay idinirehe ni Zig Dulay at ang inspiring narrative nito ay isinulat nina National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee at MMFF 2023 Best Screenplay writer Anj Atienza.