
Sa kabila ng pagiging magkapatid nina Ruru Madrid at Rere Madrid, nauna pa umanong ipinaalam ng actress-model ang tungkol sa kaniyang pagbubuntis sa girlfriend ng kuya niya na si Bianca Umali.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, August 4, ibinahagi ni Ruru na natakot kasi sa kaniya si Rere kaya't kay Bianca nito unang sinabi.
Paliwanag ng Kapuso Primetime Action Hero, “Dati kasi, Tito Boy, sobrang strikto ko. Remember, the last time na nandito kami, kinuwento rin naman ni Rere 'yun. So parang kinakabahan siya na 'pag sa 'kin niya sinabi, imbis na matuwa ako, magalit ako.”
Pero kahit kay Bianca unang sinabi ng kapatid ang tungkol sa pagbubuntis nito, grateful pa rin si Ruru dahil ginabayan siya ng girlfriend tungkol sa pagiging kuya sa mga kapatid.
“I mean prior to this na in-announce ni Rere na buntis siya or kasal na siya, si Bianca 'yung nagsabi sa 'kin na ''Wag maging mahigpit sa mga kapatid mo kasi kapag mahigpit ka sa kanila, hindi sila mag-o-open up sa 'yo,'” sabi ni Ruru.
“From there, nagbago 'yung perspective ko sa kung papaano ko tinitingnan 'yung ganu'n, kung papaano protektahan ang kapatid,” pagpapatuloy ni Ruru.
BALIKAN ANG ILAN SA MGA GLOWING PREGNANT PHOTOS NI RERE MADRID SA GALLERY NA ITO:
Pero pag-amin ni Ruru, bago pa sinabi nina Bianca at Rere na buntis ito, nagkaroon na siya ng hinala.
Pagbabahagi ni Ruru, nang sabihin sa kaniya ni Bianca na may sasabihin si Rere, kung anu-ano na ang naisip ng aktor tungkol sa asawa nitong si Kai Sotto.
“Sabi ko, 'Ano'ng sasabihin niya?' Nu'ng una pa inisip ko, sabi ko, 'Baka binubugbog 'to ni Kai, a?' Or baka niloko, sinaktan,” sabi ni Ruru.
“Pero true story, Tito Boy, habang nasa biyahe ako, nagmamaneho ako, tinignan ko 'yung buwan, tapos parang 'yung buwan, para bang may pinapahiwatig siya sa 'kin na something. And then from there, naramdaman ko na buntis si Rere,” pagpapatuloy ng aktor.
Kaya naman, nang ibalita na sa kaniya sa wakas ni Rere ang tungkol sa pagbubuntis nito, sinabi niyang wala itong dapat ikatakot o ilihim sa kaniya. Sinabi rin niyang masayang-masaya siya para kina Rere at Kai, at ipinangakong susuportahan ang kapatid sa kahit anong bagay.
Kung si Bianca ang naging daan ni Rere para sabihin kay Ruru ang tungkol sa pagbubutnis niya, ang kaniyang kuya naman ang naging daan nila ni Kai para sabihin sa kanilang mga magulang.
“Ako na 'yung nagsabi sa kaniya na 'Sige, Re, sasamahan kita kapag in-open mo 'to kina mama and dada.' So sinabi ko rin sa kaniya na better siguro, kasi during that time, si Kai, nasa Japan pa. So sabi ko, 'Better siguro na kasama natin si Kai 'pag in-announce natin sa magulang natin itong pangyayaring ito,'” sabi ni Ruru.
Apat na oras umano nag-usap si Ruru at Kai sa telepono kung saan nagbilin siya sa kaniyang bayaw na umuwi ito ng Pilipinas para kasama siya ni Rere na magbalita sa kanilang mga magulang.
Iyon naman daw ang ikinatuwa ni Ruru kay Kai, na kahit overnight lang, umuwi pa rin ito para lang sabihin sa kanilang mga magulang ang magandang balita.
“Mula du'n, sobrang nirespeto ko si Kai kasi talagang ginawa niya kahit sobrang busy siya sa Japan, ay mga game siya, to be honest, parang ang nangyari, umuwi lang siya para sabihin, and then the next day, bumalik na siya ng Japan. So na-appreciate ko po 'yung tao kasi hindi naman po lahat ng lalaki ay ganu'ng tapang na harapin kung ano 'yung sitwasyon,” sabi ni Ruru.
Panoorin ang panayam kay Ruru dito: