Isang traffic enforcer ang sugatan matapos siyang barilin ng isang lalaki na posibleng violator na may galit sa kaniya sa Midsayap, Cotabato.
Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV ang biktima na nakatayo habang binabantayan ang mga na-impound na motorsiklo.
Maya-maya pa, isang lalaki ang dumating at malapitan siyang binaril.
Dinala sa ospital ang biktima matapos magtamo ng tama ng bala sa batok.
Patuloy ang pagtukoy at paghahanap sa salarin. —Jamil Santos/AOL GMA News
