
"Simple lang, ayokong magka-dyowang politiko."
Ito ang ibinunyag ni Rhian Ramos tungkol sa kanyang dating pananaw sa pagkakaroon ng relasyon sa isang politiko.
Sa kanyang panayam kasama si Ogie Diaz, sinabi ni Rhian na dati negatibo ang tingin niya sa mga politiko, kaya't ayaw na ayaw niya na pumasok sa politika ang kanyang kasintahan na si Sam Verzosa.
"Dati talagang hindi ako approved diyan. Nag-away pa kami diyan, hindi ako support," pahayag ni Rhian. "Simple lang, ayokong magka-dyowang politiko. Hindi ko naman alam at that time na dito pala kami mapupunta. Kasi sa Pilipinas, katulad ng ibang mahihirap na bansa, usually 'pag sinabi mong politics, nakakabit na du'n 'yung korupsyon. Parang ano, may negative connotation siya sa akin kasi every time na may napapanood ako sa news, laging ganoon. Laging tungkol sa korupsyon."
Ngunit habang tumatagal, natutunan ni Rhian na tanggapin ang trabaho ng kanyang kasintahan. Biro pa nga ng aktres, minsan ay naseselos siya sa mga mamamayan dahil madalas itong napag-uusapan nila ni Sam. "Pero hindi naman super as in nagtatampo ako about [his passion] kasi isa naman din 'yun sa mga bagay na minahal ko about Sam," klaro ni Rhian.
Tinuldukan din nina Rhian at Sam ang mga usap-usapan ukol sa umano'y paggamit ni Sam sa kasikatan ni Rhian upang palakasin ang kanyang impluwensya sa politika. Nilinaw ng Kapuso actress na hindi niya naramdaman na ginagamit siya ng kanyang nobyo. Madalas pa nga siyang pumupunta sa malalaking event upang sorpresahin ito.
"Never 'yun pumasok sa isip ko kasi nga kung gagamitin niya ako, sana sa unang campaign pa lang. Actually, bihira lang din siya mag-invite, e. 'Pag nalalaman ko lang na may malaki siyang event, ako mismo 'yung nago-offer na, 'Huy! Punta ako, gusto ko makita,'" sabi ni Rhian.
Kinlaro naman ni Sam na naging sila ni Rhian bago siya pumasok sa politika. Pinaliwanag din niya na hindi niya talaga plano maging politiko, kaya walang masamang intensyon nang makilala niya ang aktres.
"Three years na mahigit na po kami ni Rhian. So wala pa po ako sa politika, kami na po," sabi niya.
Samantala, tingnan ang sweet photos nina Sam Verzosa at Rhian Ramos sa gallery na ito: