
Proud moment para sa Kapuso singer-actress at celebrity mom na si Rita Daniela ang muling awitin ang theme song ng GMA Network kasama ang kaniyang kaibigan na si Julie Anne San Jose.
Sa ginanap na GMA Gala 2023 kamakailan, inawit nina Rita at Julie, kasama ng iba pang Kapuso stars ang timeless theme song ng GMA na “Kapuso Theme.”
Sa Instagram, ibinahagi ni Rita ang video clips ng kanilang nasabing performance.
“Really so proud to be singing the theme song of GMA for 17yrs now with @myjaps [Julie Anne San Jose]” caption ni Rita sa kaniyang post.
Nagpasalamat din si Rita sa GMA Executives na sina GMA Network Senior Vice President Annette Gozon-Valdes, at Senior Talent Manager na si Tracy Garcia dahil sa oportunidad na ito.
Aniya, “Thank you my @gmanetwork @annettegozonvaldes @tracymgarcia for the trust.”
BALIKAN ANG CAREER HIGHLIGHTS NI RITA DANIELA SA GALLERY NA ITO:
Samantala, matatandaan na sinabi ni Rita sa kaniyang panayam sa Fast Talk with Boy Abunda na wala siyang inggit sa takbo ng karera ngayon ng kaibigang si Julie Anne.
“Naniniwala po ako na we all have our seasons, at ito ang season ni Julie, at ang season ko ngayon is to be a full-time mom and to be the best mom to Uno,” ani Rita.
Ayon pa kay Rita, isang healthy competition ang mayroon sila ni Julie dahil aminado silang competitive ang bawa't isa pagdating sa trabaho.
Aniya, “Since nanggaling kami sa competition, parang understood na 'yun sa amin na we have this healthy competition because we're both competitive and I like that about us.”
Matatandaan na magkasama noon ang dalawa sa singing competition na Pop Star Kids, kung saan tinanghal na grand champion si Rita.
Matapos ito, sabay na nagtuloy-tuloy ang mga karera nina Rita at Julie Anne bilang singer at aktres.
Bukod sa bagong pelikula na The Cheating Game, mapapanood naman si Julie bilang isa sa coaches ng first-ever The Voice Generations in Asia sa GMA.
Ngayong taon, nakatakda ring maglabas ng bagong album si Rita kasabay ng kaniyang bagong acting project.