
Kilalang-kilala ngayon ang Gen Z crooner na si Rob Deniel dahil sa kaniyang nakabibighaning boses sa ilang cover songs. At ang pinakasikat sa mga ito ay ang mga awit ni Ogie Alcasid na "Nandito Ako" at "Ikaw Sana." Pero ano kaya ang naging reaksyon ng batikang mang-a-awit at kompositor sa kaniyang renditions?
Sa isang concert kamakailan lang kung saan nagtanghal si Rob ay nanonood naman sa audience si Ogie. At sa pagbisita ng batang mang-aawit sa Fast Talk with Boy Abunda, ibinahagi niya ang naramdaman na mapanood ng orihinal na kompositor at mang-aawit ng mga kantang iyon.
“Ang sabi niya lang sa akin nu'n parang nag-congrats siya, and then siyempre ako po, sobrang thankful po ako kay Sir Ogie for the song and the n 'yung suporta niya rin sa akin nu'ng pinerform ko sa harap niya 'yun,” sabi ni Rob.
SAMANTALA, TINGNAN KUNG SINO-SINONG PINOY SINGERS ANG NANGGALING SA SINGING COMPETITIONS SA GALLERY NA ITO:
Pag-amin din ni Rob, talagang nakakakabang kantahin sa harap ni Ogie ang mga awitin nito. Sa katunayan, hindi umano siya sigurado noon kung tatanggapin ang offer na kumanta para sa tribute para sa batikang singer.
“Nu'ng time na 'yun, hindi ko po alam kung tatanggapin ko po 'yung offer na magbigay ng tribute for sir Ogie—not because hindi ko siya idol, pero dahil parang 'yung pressure na kakantahin ko siya sa harap niya. 'Tapos, hindi ko alam kung papaano ko ipu-pull off 'yung performance,” sabi ni Rob.
Kaya naman, thankful din si Rob sa kaniyang banda na nagtulak umano sa kaniya para gumawa ng sariling revision ng mga awitin ni Ogie, lalo na at dito siya talagang nakilala.