
“Okay yun, hindi puwedeng maagaw sa akin yun.”
Ito ang komento ng actor-senator na si Robin Padilla nang tawagin siyang OG Bad Boy sa contract signing niya sa Viva Films noong Biyernes, November 21.
Ayon kay Robin, willing naman daw siyang ipasa ang titulong “Bad Boy of the Philippine Cinema,” pero gusto raw sana niya ay siya mismo ang magbibigay ng basbas sa kung sino mang deserve ito.
“Gusto ko kasi ako yung maglilipat, hindi yung gagawin ng iba,” sabi ng actor-turned-politician.
Pagkatapos ang inalala niya kung paano niya nakuha ang naturang bansag sa kanya sa showbiz.
Kuwento niya, “Kasi noong panahong nabubuhay pa si Kuya Ace Vergel, may ganun din kaming eksena, e. Hindi nga lang pelikula, totoong buhay. Hindi ko makakalimutan yun.
“Kasi, hindi naman ako talaga yung 'bad boy,' e. Ang nangyari d'yan, parang nagkaroon sila ng problem ani Boss Vic, ako yung nilagay na kapalit. Parating ako sa Viva nun, paglagpas ko ng gate, nakita ko agad si Alas [Ace], nakatayo dun at inaabangan ako.
“Sabi ko, 'Uupakan yata ako nito, ah.' Paglapit ko, humarang talaga siya, 'Ikaw ba yung Robin Padilla?' 'Opo.' 'Pinsan mo si Daboy [Rudy Fernandez]?' 'Opo.' 'Buti na lang pinsan mo si Daboy, sige, ikaw na yun bad boy.'”
Kaya naman kung may pagkakataon, ani Robin, “Gusto ko ganun din, gusto kong dumating din ang panahon na kung sinuman yung magigign bad boy, may ganun ding eksena na ipapasa.”
Bagamat isa na siyang senador, hindi alintana ng aktor na tawagin pa siyang “Bad Boy.”
Katuwiran niya, “Kasi, ang mga kababayan natin, alam naman talaga na ako'y nakulong, wala naman akong inilihim sa kanila at saka alam naman nilang pinipili kong magpakabait.”
Matatandaan na nakulong si Robin dahil sa illegal possession of firearms noong 1994. Nabigyan siya ng conditional pardon ni dating President Fidel V. Ramos noong 1998. Nakuha naman niya ang absolute pardon mula kay dating President Rodrigo Duterte noong 2016.
Dahil sa kanyang pinagdaanan, ipinapayo ng actor-politician na iwasang gayahin ang kanyang pinagdaanan.
"Ngayon, mahirap. palagay ko, mag-bad boy na lang kayo sa pelikula kaysa sa totoong buhay. At saka maganda sa panahon ngayon, dahil sa technology, ang dami nang bad boy. Kung gusto mong maging iba, maging good boy ka," lahad niya.
Related Kapuso Shorts: Robin Padilla reveals birthday wish
Samantala, nakarating na raw kay Robin ang paghanga sa kanya ni Ruru Madrid.
Sa katunayan, inilahad niya ang paghanga niya sa dedikasyon ng binatang Kapuso actor.
“Gusto kong magkaroon ng proyekto sa kanya, sa totoo lang,” sabi ni Robin.
“Kasi, nakita ko yung love niya sa martial arts at napakagalang na bata nun. Noong nagkita kami, kasama niya pa si Kylie, nagpunta sa isang okasyon, sinasama niya ako sa isang project niya. Sabi ko, 'Pasensya ka na, anak, kasi ngayon medyo busy pa ako sa Senado. Isang araw makakagawa tayo.'
“Kaya nag-commit ako sa batang yun. Bilib ako kasi nakita ko nga yung growth niya sa martial arts, lalo na Filipino martial arts yung [ginagawa niya].”
Related gallery: Ruru Madrid goes 'back to zero' in martial arts training