
“Sa totoo lang po, mas masaya sa showbiz kaysa sa pulitika, malayong-malayo ho. Iba ang ligaya po sa shooting.”
Ito ang naging pahayag ni Senator Robin Padilla habang inilalahad ang naging samahan nila ng kanyang co-stars sa pelikulang Bad Boy 3, na nagkaroon ng preview screening kahapon, June 4.
Bago ang naturang event, nagkaroon ng kaguluhan sa Senado, kung saan nagkaroon ng maiksing tensyon sa pagitan ni Robin at ng secretary ng Department of Interior and Local Government na si Jonvic Remulla.
Sa kabila nito, kapansin-pansin na maaliwalas ang hitsura ni Robin nang humarap siya sa entertainment media matapos ang screening ng pelikula.
Sabi pa ng entertainment editor na si Jun Lalin, mukhang stress-free ang actor-policitian.
Tugon naman ng senador, “Iba talaga ang hitsura ko kapag pulitika. Kapag pulitika talagang… siyempre, dala mo yung problema ng bayan. Iba talaga yung bigat nun.
“Ang showbiz, masarap kasi nag-e-entertain kayo ng mga tao, masaya yung mga tao, malayo.”
Nabanggit din niya na iba ang kanyang saya kapag kasama ang entertainment press.
Pahayag ni Robin, “Talagang oo kasi iba sa pulitika, e. Iba talaga yung bigat niya, ang bigat sa balikat. Ang tao, katulad kanina, ibang-iba, e. Kapag pupunta ka sa political event, hindi ganun ka-warm ang mga tao—tinitingnan ka, sinusukat ka.
“Kapag showbiz event, iba, e—niyayakap ka ng mga tao, pati picture-taking iba. Napakasarap ng buhay natin. Kaya alagaan natin ang show business.”
Related gallery: Celebrities who became politicians
Kasunod nito ay nanawagan si Robin ng tulong para suportahan ang mga plano niya na may kaugnayan sa showbiz.
Aniya, “Ako'y nananawagan din sa iba nating mga kasama kasi marami akong panukala. Nandiyan ang pagbibigay ng mga insentibo sa mga magagandang pelikula, katulad ng mga insentibo na binibigay sa Thailand, sa Korea. Sana tulungan ninyo akong pumasa yung mga panukalang yun. Katulad nung panukala rin na magkaroon tayo ng sariling medical card.
“Sana yun ang tulungan n'yo, huwag yung nakikita ng mga tao na tayo-tayo nag-aaway sa pulitika. Dapat sana ay iisang direksyon tayo pagdating sa mundo natin. Tulungan natin ang isa't isa.”
Bukod sa Bad Boy 3, marami pa raw “utang” na pelikula si Robin, na unti-unti niyang gagawin habang naka-recess ang Senado.