
Aminado na ang aktor na si Rocco Nacino na ipinagpapaalam niya muna sa kanyang misis na si Melissa Gohing ang intimate scenes na kanyang gagawin sa isang proyekto.
Sa pagbisita ni Rocco sa Fast Talk with Boy Abunda, tinanong siya ng TV host na si Boy Abunda kung ano ang dynamics at rules nila ni Melissa bilang mag-asawa.
Ayon kay Rocco, noong una ay nahirapan sila ng asawang si Melissa na mag-adjust sa isa't isa pagdating sa ilang mga bagay-bagay lalo na't magkaiba sila ng kinalakhang industriya.
Si Rocco ay isang aktor habang si Melissa ay isa namang volleyball athlete noon.
Kuwento ni Rocco, “Dahil nga po atleta po siya (Melissa Gohing) dati, ang taas po ng kung baga pagka-alpha, team captain po siya e, hindi siya puwedeng magpaka-soft sa kaniyang teammates e.
“So it came to a time na talagang nagbabangayan po kami. It took six to seven months bago po namin natantsa 'yan.”
Paglalahad ng aktor, napagkasunduan nila ng asawa na sasabihin niya rito kung may gagawin man siyang proyekto na may intimate scenes kasama ang ibang artista.
Aniya, “Napag-usapan namin na kapag may mga project na kailangan gawin, sabihan ko lang siya para maintindihan niya.
“Sasabihin ko, 'Love, ganito ang mangyayari today, meron kaming eksena na kailangan naming mag-kiss. O, sinasabi ko lang sa'yo ha.'”
Sagot naman umano ni Melissa, “A, okay, Thanks for letting me know. Na-appreciate ko 'yan [pero] hindi ko panonoorin.”
SILIPIN ANG MASAYANG PAMILYA NINA ROCCO AT MELISSA RITO:
Sumunod naman na tanong ni Boy kay Rocco, “Pero meron bang time na you can't do kissing scenes with your exes?”
Tugon ng aktor, “Actually I did guest in a show with my ex na pinaalam ko sa asawa ko na na-appreciate ko kasi siya na ang nagsabi na, 'Gawin mo, trabaho 'yan e.'”
“But 'yun nga nung una, medyo [hesistant] ako kung gagawin ko ba talaga, pero [nakita ko] supportive naman siya.”
Ayon kay Rocco, hindi naman siya pinaghihigpitan ni Melissa, bagkus ay naiintindihan at suportado pa nito ang kanyang trabaho.
“'Gawin mo na 'yan trabaho yan e. Tsaka mag-asawa na tayo, secured ako sa'yo,' sabi niya,” ani Rocco.
Ikinasal si Rocco at asawang si Melissa noong January 21, 2021. Sa ngayon ay mayroon silang isang anak na lalaki na si Ezren o EZ.
Samantala, mapapanood si Rocco sa GMA Afternoon Prime series na The Missing Husband kasama sina Yasmien Kurdi, Jak Roberto, at Sophie Albert.
Patuloy rin na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.