
Inihayag ni Rocco Nacino ang meaning sa likod ng title ng kanyang Cinemalaya film na Tirik. Kabilang ang nasabing pelikula sa 22nd edition ng Cinemalaya Philippine Independent Film Festival ngayong taon.
Sa pagbisita sa Fast Talk with Boy Abunda ngayong Biyernes, natatawang ikinuwento ni Rocco kay King of Talk Boy Abunda na maraming nag-aakalang bold ang kanyang pelikulang Tirik.
"Tinanong ko rin sa direktor namin, si Direk Ma-i [Guia Padilla], 'Bakit Tirik? Parang bold dating.' 'Sadya 'yon.' Parang pang-pique ng interest," sabi ng aktor.
"But in the sense of Tirik, 'yun nga, pagtirik ng kandila, pag-alay. Minsan 'yung pagtirik ng kandila pang-cleanse ba ng soul. May nakagawa ng kasalanan, magtitirik ako ng kandila para maano. So, iyon pag-uusapan 'yon dito," dagdag niya.
Ani Rocco, ito ang unang pagkakataon na gumanap siya bilang isang pari.
"Mahirap, Tito Boy. And of course, bilang isang pari sa pelikulang ito, ang challenge was to be the caring kuya o parang pari na nakikita nila. Paring Bert ang pangalan ko [rito]," pagbabahagi ng aktor.
Nag-react din si Rocco sa nude scene sa pelikula. Sabi niya, "Yes, first time. Grabe, nagawa ko 'yon."
Paliwanag ng aktor kung bakit kinakailangang maghubad ng kanyang karakter. "'Yun nga, pagsabi pagtirik ng kandila, parang 'yun ang naging proseso niya... [nang] pinaliyab niyang sasakyan at lumiliyab 'yon, at lahat, hinubad niya lahat. Kumbaga, cleanse niya 'yung sarili niya."
Nang tanungin kung hindi ba siya nagdalawang-isip sa nude scene, sagot ni Rocco, "Syempre, nandoon 'yung tanong, Tito Boy. Kasi syempre 'yung managers ko sa Sparkle inaalagaan din ako, at napatanong din sila. Sabi nila, 'Okay, nabasa na namin. It's up to you.'
"At pinag-usapan ni Direk Ma-i, 'Ito ba 'yung nakikita mo? Kung parehas tayo, same page tayo, okay. Kasi ito na 'yung sinasabing art. And Cinemalaya is for the art. Ang nu'ng na-realize ko kung gaano ka-importante 'yon para sa eksena, na hindi bastos tingnan, 'Okay, sige, laban.'"
Dagdag pa ni Rocco, pumayag at naintindihan din ng kanyang asawa na si Melissa Gohing kung bakit kinakailangang gawin ang paghuhubad sa eksena.
Panoorin ang buong interview ni Rocco Nacino sa Fast Talk with Boy Abunda rito:
RELATED GALLERY: Ruru Madrid, Pokwang, at iba pang Kapuso stars na bibida sa Cinemalaya 2026