
Pagkatapos ng successful run ng “Get, Get, Aw!: The SexBomb Concert” ng SexBomb Girls sa Pilipinas at abroad, ibinahagi ng kanilang lider na si Rochelle Pangilinan sa Fast Talk with Boy Abunda nitong June 23 kung ano na ang nagbago sa kanila at ang susunod na gagawin ng grupo.
“'Yung mga nabago, mas mature na 'yung SexBomb Girls ngayon. And 'yung mga hindi nabago, ang kukulit pa rin ng lahat. Ang tingin pa rin nila sa 'kin, leader pa rin, tapos kailangan asikasuhin mo sila lagi, tapos isip bata pa rin 'yung karamihan,” sabi ni Rochelle.
Pagbabahagi pa ni Rochelle, malaki na rin ang pinagbago niya bilang leader. Kung dati ay lagi siyang nakasigaw sa kaniyang mga kagrupo para mapasunod sila, ngayon ay hindi na. Pero nilinaw ng dancer-actress na may mga diskusyon pa rin naman sila.
“Ay meron pa rin po, hindi naman din 'yan maiiwasan. Mas mababa na ang mga boses, at saka kailangan, ini-explain sa kanila. Hindi na ako umaabot sa point na maghahagis pa ako ng bangko,” sabi ni Rochelle.
BALIKAN ANG MGA NAGANAP SA RAWND 3 NG SEXBOMB REUNION CONCERT SA GALLERY NA ITO:
Pagdating naman sa mga plano ng grupo, inamin ni Rochelle na marami pa silang gagawin.
“Ang next po, marami. Kami po sana, hangga't maaari, kung kaya, gagawin po namin ang lahat. But 'yun, may planong movie, may documentary na ilalabas, and may mga songs na sana ilabas namin, and marami pa po, e,” sabi ni Rochelle.
Ngunit pag-amin din ng leader ng grupo, “Ang SexBomb kasi, bilang may edad na, may hangganan din. But siyempre, kung ano 'yung kaya pa, gagawin po namin.”
Aminado rin si Rochelle na tini-treasure niya ang lahat ng moments nila sa stage dahil hindi niya umano alam kung kailan ito mauulit. Lalo na ngayon na marami sa kanila ay mga ina na at may iba nang priorities, hindi na kasingdali noon na hugutin ang mga miyembro ng SexBomb Girls para sa isang proyekto.
“Ngayon kasi may priorities sila so tini-treasure ko talaga lagi,” sabi ni Rochelle.
Panoorin ang panayam kay Rochelle Pangilinan dito: