
Patuloy ang pagsayaw at pagsunod ng fans sa iconic girl group na SexBomb Girls sa kanilang Get Get Aw! reunion concert world tour.
Noong May, masayang bumisita ang grupo sa California, USA para sa kanilang apat na sunod-sunod na concert shows.
Labis na nag-enjoy ang audience sa kanilang performances ngunit mas ikinatuwa ng SexBomb Girls ang literal na pagsayaw at pagsunod ng fans sa kanila.
Sa panayam ni Rochelle Pangilinan sa 24 Oras, ibinahagi niya na labis silang nagpapasalamat sa mainit na pagtanggap ng kanilang mga tagahanga sa California.
"Lahat sila sabay-sabay na sumasayaw at kumakanta talaga from the very start ng concert hanggang huli. Alam nila lahat ng kanta ng SexBomb. Kami rin parang naglalaro na lang din," pahayag ni Rochelle.
Ayon pa sa SexBomb leader, hindi nila maiwasang maging emosyonal sa patuloy na pagmamahal at suporta ng kanilang fans sa iba't ibang bahagi ng mundo.
"'May fans pa pala kami,' parang ganoon, and 'yun 'yung laging nakaka-overwhelm. Maliit o malaking venue, 'pag sabay-sabay mo naririnig na parang national anthem 'yung kanta namin, talagang nakakaiyak," aniya.
Bukod sa kanilang mga concert, nasusulit din ng grupo ang pagkakataong mag-bonding at mamasyal abroad.
"Noong kabataan naman namin, hindi naman kami nakalabas ng ganoon. Kasi karamihan dati, pagdating namin sa isang lugar, madilim na, sasayaw ka, ta's uwi ka na. So hindi namin siya nae-enjoy ng katulad ngayon," kuwento ni Rochelle.
Sa kasalukuyan, abala ang SexBomb Girls sa paghahanda para sa mga susunod nilang world tour stops sa New York City at Canada.
Makikisaya rin ang grupo sa Davao at Ormoc sa darating na June 27 at 29.
Balikan ang masaya at nostalgic highlights ng 'Get, Get Aw!' reunion concert, dito: