
Binigyang-linaw ng SexBomb Girls leader at Kapuso actress na si Rochelle Pangilinan ang mga tanong ng netizens ukol sa kawalan ng ilang miyembro sa official music video ng kanilang bagong single na “Mama Mama.”
Matapos ang kanilang matagumpay na “Get Get Aw! Reunion Concert,” naglabas ng bagong kanta ang grupo at inilabas ang music video nito noong Miyerkules, Setyembre 9, sa iba't ibang online platforms.
Pansin ng maraming netizens na hindi kumpleto ang grupo sa naturang music video kaya agad itong sinagot ni Rochelle sa comments section ng kaniyang Facebook account.
“Hello Mama Mama! Sasagutin ko po kayo dito ha. Ito ang una at huli na sasagot ako sa mga katanungan ng iba,” pahayag ng aktres.
Ayon sa kaniya, hindi nakasama ang ilang miyembro dahil sa kanilang mga responsibilidad bilang mga ina at iba pang prayoridad sa buhay.
“Marami talaga ang wala dito… and that's okay! Hindi na talaga makukumpleto ang Girls. Karamihan sa kanila ngayon, mga nanay na, at may kanya-kanyang priorities, buhay at responsibilities,” dagdag pa niya.
Inalala rin ni Rochelle na kahit noong reunion concert ay hindi na rin sila kumpleto, kaya nag-iwan siya ng pabirong payo sa kanilang mga tagahanga.
“Kaya wag na nating hanapin yung wala—i-enjoy natin yung nandito! Kumbaga sa hapag-kainan… kung ano ang nakahain, 'yun ang pagsaluhan at pasalamatan. Kung ADOBO ang meron, enjoyin ang adobo! Wag nang hanapin ang lechon, crispy pata at buong buffet!”
magiliw na hirit ng leader ng grupo.
Ipinaalala rin niya ang kahalagahan ng pagiging mapagpasalamat at matutong makuntento sa kung ano ang naibabahagi ng grupo ngayon: “Be grateful tayo sa kung anong meron at kung anong naibibigay. Ang mahalaga, nandito pa rin tayo, patuloy pa rin nating ginagawa ang mga bagay na mahal natin.”
Bilang pagtatapos, buong-pusong pinasalamatan ni Rochelle ang mga tagahanga na walang sawang sumusuporta sa kanila mula noon hanggang ngayon.
“Kaya manood, makisaya, mag-enjoy at balik-balikan ang nostalgia! Thank you sa lahat ng nanonood, sumusuporta at nakikisaya sa amin, [mga] pinalaki ng SexBomb, kaya dapat marunong magpasalamat! Enjoy the music video, mga Mama Mama! Get Get Awwww!” ani Rochelle.
Inilabas ng grupo ang naturang kanta bilang isang espesyal na handog para sa kanilang mga masugid na fans at supporters. Tampok sa music video ang ilang P-pop groups na gumagawa ng pangalan sa larangan ng musika sa bansa, tulad ng Cloud 7, MEI MEI, AJAA, YGIG, FINA, Yes My Love, 1621, at DNA.
Related Gallery: SexBomb Girls bring together top rising P-pop groups in 'Mama Mama' MV