
Napasabak din sa aksiyon si Kapuso actress Rochelle Pangilinan sa primetime series na Lolong: Pangil ng Maynila.
Gumaganap siya sa serye bilang Karina, dating mananahi sa probinsya at assassin na ngayon sa siyudad.
Hindi na bago si Rochelle sa larangan ng aksiyon pero malaking bagay raw para sa kanya na makita ang safety measures ng isang programa tuwing gagawa ng stunts at fight scenes.
Nararamdaman niyang safe siya sa set ng Lolong: Pangil ng Maynila.
"Thankful ako na ganoon sila kaalaga sa amin. May medic naman tayo na nag-check kung okay ako bago 'ko umuwi ng bahay and then kinabukasan, chine-check pa rin nila 'ko kung kamusta ako," lahad ni Rochelle.
Samantala, halos back to normal na rin ang bida ng serye na si primetime action hero Ruru Madrid.
Matatandaang nagtamo ito ng hamstring injury habang ginagawa ang isang eksena para sa programa.
Ngayon, nakakalakad na siya nang maayos pero pinayuhan pa rin ng kanyang doktor na maghinay-hinay sa paggawa ng mga bagay na maaaring muling maka-injure sa kanya.
"Nagulat din po siya actually na sobrang bilis po ng healing. But siyempre, sabi niya huwag ka pa rin magsa-stunts na magiging delikado at posibleng bumalik 'yung injuries. Sabi niya at least, ipahinga mo itong linggo na 'to 'tapos, try natin mag-MRI ulit. Kung healed na siya, maibigyan ako ng clearance," kuwento ni Ruru.
Patuloy na tumutok sa Lolong: Pangil ng Maynila, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime.
May delayed telecast din ito sa GTV, 9:40 p.m. at maaaring panoorin online sa Kapuso Stream.