
Kahit busy sa bagong serye niya na Mga Lihim ni Urduja, masaya pa rin ang dancer-turned-actress na si Rochelle Pangilinan na nasubaybayan niya ang paglaki ni Shiloh Jane, ang anak nila ng aktor na si Arthur Solinap.
Sa interview niya sa podcast na Updated with Nelson Canlas, sinabi ni Rochelle na hindi niya alam kung magiging thankful ba siya sa pandemic na naging dahilan ng lockdown.
“Nag usap nga kami minsan tuwing umaga kasi nag spend time talaga kami sa kaniya and hindi ko alam kung magiging thankful ako sa ano, sa pandemya kasi grabe yung bonding namin pamilya,” sabi niya.
Dagdag pa nito, bilang mga artista, 24/7 daw ang mga trabaho nila.
“Itong pandemya parang pinakita sa amin ni God na ito yung gift ko sainyo na...tuwang tuwa kami ni Art kay Shiloh as in every day, every day may bago siya, nasasaksihan namin yon, kung paano siya lumaki,” dagdag ng aktres.
Ikinasal sina Rochelle at Arthur noong August 2017 at ipinanganak naman nila ang anak na si Shiloh, February 2019, halos isang taon bago ang pandemya at lockdown sa bansa.
Sinabi rin ni Rochelle na marami silang natutuklasan tungkol kay Shiloh araw-araw at masaya silang wala silang na-miss sa mga achievement ng anak.
“As in wala, buong buhay namin siya yung saving grace namin nung pandemya na imbes na malungkot kami, siya talaga yung naging ano namin ilaw talaga. Naging star ng pamilya namin,” sabi nito.
Nang tanunging ang aktres kung alam ba ni Shiloh ang karera nila ni Arthur bilang mga aktor, ang sakit nito ay “As of now, tingin ko hindi pa.”
Dagdag pa nito, “Alam mo bang si Shiloh ay ayaw niya akong nakikitang sumasayaw. Pag nakikita niya, 'Stop dancing, Mommy stop, please.' Hindi ko alam kung bakit.”
Pero kahit ganun, nabigyan pa rin ang aktres ng pagkakataon matupad ang pangarap niyang makita siya nina Arthur at Shiloh sumayaw sa Eat Bulaga stage.
Sinagot din ng aktres ang tanong kung saan niya nakikita ang sarili after 10 years.
“10 years from now, siguro nandoon na kami sa pangarap naming bahay ni Art, nagkakape sa veranda, namimili ng mga trabaho na kung ano 'yung gustong trabaho na lang na gusto naming tanggapin ganun na lang ka-chill, na-settle na namin pati 'yung future ni Shiloh, 'yung lahat,” sabi nito.
Dagdag pa niya, “Kaya work galore kami nitong mga panahon na 'to para at least 'yung future namin. Plus inaayos namin lahat ng oras namin na siyempre hindi pa rin mawawala 'yung may oras kami kay Shiloh.”
TAKE A LOOK AT THE BARBIE-THEMED 4TH BIRTHDAY OF SHILOH IN THIS GALLERY: