
Napamura na lang ang isang netizen dahil sa kaniyang pagkabilib sa acting performance na ipinakita ng Kapuso actress na si Rochelle Pangilinan sa hit GMA family drama na Pulang Araw.
Marami ang pumupuri ngayon sa husay sa pag-arte ni Rochelle bilang si Amalia sa serye. Sa episode 37 ng Pulang Araw sa Netflix, napanood ang isang eksena kung saan nagmamakaawa si Rochelle sa mga sundalong Hapones na pinipilit siyang ikulong sa kuwarto at pagsamantalahan.
Dahil walang kalaban-laban, napilitang sumama si Rochelle sa mga sundalong ito at sapilitan din niyang itinaboy ang kaniyang anak upang hindi ito madamay.
Sa Instagram, proud na nag-post si Rochelle ng mensahe sa kaniya ng isang fan kung saan ramdam ang matindi nitong emosyon sa nasabing eksena.
“Hi Rochelle. Gusto ko lang murahin ka sa napakagaling mong pagganap sa Pulang Araw. T*ng inaaaaaa! Iba ka,” laman ng mensahe kay Rochelle.
“KALMAAA!” caption naman ni Rochelle sa kaniyang post.
Pero ayon sa aktres, naiintindihan niya ang intense na reaksyon ng netizens sa emotional scene na ito. Dahil isa lamang ang eksenang ito sa pagsasadula sa mabigat na dinanas ng mga kababaihan noon na naging comfort women sa panahon ng pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas.
Aniya, “Pero maraming salamat. Kasing intense ng iyong papuri ang eksena. Inappropriate 'yung words pero naiintindihan ko kasi sabi nga ng iba ang hirap hanapin ng salita para i-describe ang hirap at pasakit na dinanas ng ating mga kababayan nung panahon ng Hapon!”
Dagdag pa niya, “Patuloy po kayong sumubaybay sa Pulang Araw! Marami pang mas mabibigat na eksena na talaga namang mapapamura kayo!”
“Super galing mo po. Una nanggigil ako sa'yo pero grabe din pagpaiyak mo sa 'kin wala masabi,” komento pa ng isang netizen.
“Grabe simula Daisy Siete to Pulang Araw the best pa rin good job Ms. @rochellepangilinan,” mensahe pa ng isang fan.
“Totoo! Nakaka-iyak, galit lang ako sa UTANG NA LOOB scence with Eduardo pero hagulgol ako sa nangyari sa'yo. Married, may asawa at anak pero naging biktima ng panghahalay,” dagdag naman ng isang viewer.
Ngayong gabi, September 17, mapapanood na sa free TV sa GMA Prime at Kapuso stream ang naturang eksena ni Rochelle sa episode 37 ng Pulang Araw.
Sa latest episodes ng Pulang Araw, napanood na ang unti-unting pagpapahirap ng mga mananakop na mga Hapones sa mga Pilipino. Ito ay matapos mabigo ang Amerika na depensahan pa ang bansa sa Japanese forces.
Ang mga tagpong ito ang nagbibigay pagsubok sa buhay ng mga karakter na sina Eduardo (Alden Richards), Adelina (Barbie Forteza), Teresita (Sanya Lopez), at Hiroshi (David Licauco).
Dito na rin makikita ang pang-aabuso sa kapangyarihan ng hukbo ng Japanese Imperial Army na pinamumunuan ni Col. Yuta Saitoh (Dennis Trillo).
Patuloy na subaybayan ang Pulang Araw, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Prime.
RELATED GALLERY: Rochelle Pangilinan, may isang hiling para sa 'Pulang Araw'