
Isa ang aktres na si Rochelle Pangilinan sa may mahalagang karakter sa hit GMA series na Pulang Araw.
Si Rochelle ay gumaganap bilang si Amalia, ang tiyahin nina Eduardo at Adelina na ginagampanan nina Alden Richards at Barbie Forteza. Pero sa pagdating ng World War II sa Pilipinas, isa ang karakter ni Rochelle sa magiging comfort women na aabusihin ng mga mananakop na Hapones.
Makakasama ni Rochelle na bibigyang buhay ang kuwento ng mga Filipina comfort women ay sina Sanya Lopez at Ashley Ortega.
Dahil sa mabibigat na eksena, matitinding paghahanda raw ang ginawa ng tatlong Kapuso actress para rito.
“We have to prepare physically, mentally, and emotionaly kasi syempre mabigat. Actually before mag-start 'yung taping kinausap kami ni Direk [Dominic Zapata] kasi sensitive talaga 'yung scenes na 'to,” ani Ashley.
Dagdag ni Sanya, “I tried to watch different kind of movies na related dito sa pagiging comfort woman, dito sa World War II. Nag-try din akong manood ng mga docu about World War II para kahit papa'no meron na kaming idea kapag sumalang na kami rito.”
Kuwento naman ni Rochelle, madalas siyang “nagpapagpag” upang malimutan agad ang mga eksenang kaniyang ginawa bilang isang comfort woman.
Aniya, “Lahat ng paraan [ginagawa ko] para makalimutan ko siya. Minsan, umaakyat ako sa taas namin kasi nando'n 'yung Christmas decors, tumitingin ako ng mga Christmas decor para ma-happy ako kasi ang hirap talaga e.”
Iikot ang kuwento ng Pulang Araw sa magkakababata na sina Adelina (Barbie Forteza), Teresita (Sanya Lopez), Hiroshi (David Licauco), at Eduardo (Alden Richards) na namuhay noong 1940s sa kasagsagan ng pamamalakad ng Amerika sa Pilipinas at sa pagdating ng mga mananakop na mga Hapones kabilang si Col. Yuta Saitoh (Dennis Trillo).
Sa pagsiklab ng World War II, magiging mitsa rin ito ng iba't ibang mga problema sa buhay ng apat na magkakababata.
Subaybayan ang Pulang Araw sa free TV, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. pagkatapos ng 24 Oras sa GMA Prime.