
Kamakailan lang ay pumanaw na ang matriarch ng Regal Entertainment na si Lily Monteverde, o mas kilala bilang si Mother Lily sa entertainment industry, sa edad na 84. Kinumpirma ito ng kaniyang anak at UP Fighting Maroons head coach na si Goldwin Monteverde.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes, August 5, ay nagbigay ng pakikiramay ang host na si Boy Abunda at ang kaniyang panauhin na si Rufa Mae Quinto. Ayon sa comedienne, marami-rami na rin siyang nagawang pelikula na si Mother Lily ang nag-produce.
Nang tanungin ni Boy si Rufa kung ano ang experience niya kay Mother Lily na hindi niya malilimutan, ang sagot ng aktres, “Napakatotoong tao ni Mother at tsaka naniniwala siya sa art talaga, 'yung craft natin.”
Kuwento pa ng komedyante ay kahit ano umano ang mangyari ay gustong-gusto ni Mother Lily na nagpo-produce ng mga pelikula.
Ayon pa kay Rufa ay hindi ka manghuhula pagdating kay Mother Lily sa pagiging totoo niya.
“'Pag galit, galit. 'Pag masaya, masaya. Hindi ka manghuhula. Pero sa'kin, napakabait niya sa'kin kahit kailan.”
Samantala, ayon kay Boy ay magkakaroon ng special episode ang Fast Talk with Boy Abunda bukas, August 6, para kay Mother Lily. Iimbitahan din ang ilan sa mga celebrities kabilang na ang mga Regal Babies o mga aktor at aktres na nagsimula sa Regal Entertainment.
Sa statement ng Regal Entertainment, ibinahagi nila ang detalye ng memorial service para kay Mother Lily na nagsimula ngayong Lunes, August 5 ng 3:30 p.m. hanggang August 9. Gagawin ito sa 38 Valencia Events Place, Quezon City. Ang interment naman ay gagawin ng August 10 sa The Heritage Park sa Taguig.
Ang asawa naman ni Mother Lily na si Remy Monteverde ay pumanaw noong July 29, ilang araw bago siya nawala.
BALIKAN ANG PAGDADALAMHATI NG CELEBRITIES SA PAGPANAW NI MOTHER LILY SA GALLERY NA ITO: