
Simula nang ikasal ang aktres at komedyante na si Rufa Mae Quinto sa kaniyang asawa na si Trevor Magallanes noong 2016 ay nanirahan na sila sa Amerika at umuuwi lang sa Pilipinas paminsan-minsan.
Ngunit ayon sa aktres, gusto niyang ma-experience din ng kaniyang anak at asawa ang buhay sa Pilipinas, at hiniling na manirahan sana sila pansamantala sa bansa.
Kamakailan lang ay nagbalik si Rufa Mae sa Pilipinas para muling gumawa ng ilang proyekto at magbalik sa comedy. Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes, August 5, inamin niyang napagod na rin siyang bumiyahe papunta at paalis ng bansa. Kaya naman, gusto sana niyang subukan nila manirahan sa Pilipinas pansamantala.
“Ilang years na naman na ako du'n e, parang pagod na rin ako magbiyahe nang magbiyahe, at saka try naman din namin dito dahil may bahay pa naman ako [rito], may properties, may career,” sabi niya.
Pagpapatuloy ng aktres, “Tapos sabi ko, 'Anak, sino magmamana niyan?' 'di siya [rin]. So sabi ko, sana makita din ng anak ko 'yung buhay ko [rito].”
Aminado si Rufa Mae na hindi alam ng anak nila ni Trevor na si Athena ang tungkol sa buhay niya sa Pilipinas. Kuwento pa ng komedyante ay may mga nagsasabi na kung si Rufa Mae ay queen ng comedy, ang anak niya ay princess, ngunit hindi nito alam kung bakit dahil hindi naman siya celebrity sa Amerika.
“Naging mabuting bata naman siya, simple, ganu'n. So ngayon, mas maganda na ngayon na lang niya nalalaman, unti-unti,” sabi ni Rufa Mae.
BALIKAN ANG NAGING BUHAY NI RUFA MAE SA U.S. SA GALLERY NA ITO:
Tungkol naman sa asawa niyang si Trevor, sinabi ng aktres na pupunta ito sa Pilipinas sa November ngunit hindi pa niya alam kung mananatili ito ng permanente sa bansa. Gusto umano ni Rufa Mae na isa-isa nila ayusin ang mga bagay-bagay.
“Kagaya ngayon, mag-i-school, 'yun muna priority ko kasi 'yung timezone, naje-jet lag siya and everything,” sabi niya.
Aminado naman si Rufa Mae na dahil magkahiwalay nga sila ni Trevor ngayon, siya ay nasa Pilipinas at ang mister nasa Amerika, ay natatakot pa rin siya lalo na at gwapo ito. Pero aniya, pinagdadasal na lang niya ito at piniling 'wag nang mag-alala pa.
“Kasi kagaya ngayon, ang daming namamatay, may nag baha-baha, 'yung parang ang hirap na magplano masyado e. Biglang mamaya wala nang eroplano, hindi na natuloy, 'yung ganu'n. So para sa'kin, basta mag-ready ako, gawin ko 'yung dapat gawin, mag-focus kung saan dapat mag-focus, pero 'wag na masyadong mag-worry sa kung saan-saan,” sabi niya.