
“Mabuting tao po si Kai.”
Ito raw ang obserbasyon ni Kapuso Primetime Action Hero na si Ruru Madrid sa asawa ng kapatid niyang si Rere Madrid na si Kai Sotto.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, August 4, ibinahagi ni Ruru ang paghanga niya kay Kai, lalo na nang umuwi ito sa Pilipinas galing Japan para sabihin sa mga magulang nila ni Rere ang tungkol sa pagbubuntis nito.
Sabi ni Ruru, inalok niya si Rere na sasamahan niya ito kung sasabihin na niya sa kanilang mga magulang na buntis siya. At dahil nasa Japan noon si Kai, sinabi rin ng aktor sa kaniyang kapatid na mas mabuti sana kung kasama siya para kausapin ang kanilang mga magulang.
“So tinawagan ko si Kai, nag-usap kami for like four hours through phone, and du'n sinabi ko sa kaniya na 'Bro, better siguro na umuwi ka dito sa Pilipinas, and then, sabihin mo kung ano talaga 'yung nangyari.' Mula dun, sobrang nirespeto ko si Kai kasi talagang ginawa niya kahit sobrang busy siya sa Japan,” sabi ni Ruru.
Ayon pa kay Ruru, may game noon si Kai sa Japan at umuwi lang ito sa Pilipinas para sabihin sa mga magulang nila ang tungkol sa pagbubuntis ni Rere.
“Then the next day, bumalik na siya ng Japan. So, na-appreciate ko po 'yung tao kasi hindi naman po lahat ng lalaki ay ganu'ng tapang na harapin kung ano 'yung sitwasyon,” sabi ni Ruru.
BALIKAN ANG NAGGAGANDAHANG WEDDING PHOTOS NINA RERE AT KAI SA GALLERY NA ITO:
Nang tanungin naman si Ruru tungkol sa kanyangnakababatang kapatid na si Rere at brother-in-law na si Kai, sabi ni Ruru, “Mabuting tao po si Kai. Dun pa lang sa ginawa niyang gesture na 'yun, nakita ko kung ano po 'yung pagkatao niya.”
Kamakailan lang, sa kanilang double date kasama si Bianca Umali, nakita niyang hindi nagpapa-impress si Kai sa kaniya, bagay na hinangaan din ni Ruru.
“Siyempre, 'pag kuya, alam mo na magpapakitang-gilas. Hindi siya ganun, cool lang, sobrang cool. Actually, parehas sila ng personality ni Bianca. So sabi ko, 'Gusto ko itong taong 'to.' Kasi wala siyang gustong patunayan,” sabi ni Ruru.
Panoorin ang panayam kay Ruru dito: