
Isang hindi malilimutang tagpo ang naganap sa set ng proyekto na ginagawa para sa Cinemalaya 2026 ni Primetime Action Hero Ruru Madrid matapos maging emosyonal ang isang tindera na naglalako ng meryenda nang makita ang aktor.
Sa post ni Anton Cesario sa Facebook Reels, makikitang kinakausap ni Ruru ang isang tindera na naglalako ng maruya at lumpiang gulay malapit sa set nila sa Tanay, Rizal. Sa naturang post, ibinahagi niyang pinakyaw ng aktor ang mga paninda nito at ipinamahagi sa kanilang crew sa set.
Nang tanungin ni Ruru kung bakit umiiyak ang ale, sinabi nitong mabait kasi ang aktor.
Sabi ni Ruru, “Ikaw, mabait din kasi kita mo, o, madami kang napasaya na kumain ng pagkain mo.”
“Next time ulit, ha? Hanapin kita ulit dito,” pagpapatuloy ng aktor.
Sa caption ni Anton, ibinahagi niya kung gaano kaimportante ang pagtulong, “Minsan, hindi natin alam ang pinagdadaanan ng isang tao. Kaya kung may pagkakataon tayong makatulong, gawin natin. Ang kabutihan ay hindi nasusukat sa laki ng ibinigay, kundi sa saya at pag-asa na naidulot nito sa iba.”
RELATED CONTENT: BALIKAN ANG TRAVEL EXPERIENCE NI RURU SA SPAIN SA GALLERY NA ITO:
Sa comments section, marami naman ang pumuri sa kabutihan na ipinakita ni Ruru. Ang isang netizen, sinabi pa nga na hindi malayong makuha ni Ruru ang suporta ng mga manonood.
“Unang beses ko pa lang napanood siya, ramdam ko na agad kung gaano siya kabuting tao, kaya naman lahat ng papuri at projects na natatanggap at matatanggap niya deserve na deserve niyang tunay,” sabi ng netizen.
Isang fan naman ang nagpahayag kung gaano siya ka-proud na maging tagahanga ni Ruru. “Kaya si Ruru Madrid ang hinahangaan kong artista mula sa simula kasi napakatotoong tao, sobrang bait lalo in person, hindi mayabang at sobrang humble,” sabi naman ng aktor.
Marami rin ang nagpahayag kung gaano sila ka-proud sa ginawang pagtulong ng aktor.