
May bagong mga kalaban at kakampi na mapapanood sa bagong yugto ng top rating full action series na Black Rider.
Kabilang sa mga bagong mga karakter na aabangan sa serye ay si Nimfa, tindera ng pinya na gagampanan ni Vivamax star Angeli Khang.
Siya ang magiging ka-love triangle sa pagitan ng mga karakter nina primetime action hero Ruru Madrid at Yassi Pressman na sina Elias at Bane.
Fresh mula sa Canada matapos ang serye ng concerts ng Sparkle doon, ikinagulat ni Ruru na kissing scene ang unang eksena nila ni Angeli sa pagbabalik niya sa taping ng Black Rider.
Inamin niyang awkward ito para sa kanila dahil ito rin ang unang beses nilang magkakakilala. Maayos naman nagawa ang eksena na medyo may kahabaan dahil gumamit pa ng drone para kunan ito.
"Pagdating ko sa set, walang signal dahil nasa Tanay kami. Pag-check ko, totoo nga. May kissing scene nga. At kanino? Kay Miss Angeli Khang. Medyo nagulat ako na mayroon agad na ganoon na eksena," bahagi ni Ruru.
Ayon sa aktor, agad niyang ipinaalam ang tungkol sa kissing scene sa kanyang girlfriend at kapwa Sparkle star na si Bianca Umali.
"Siyempre, alam naman natin, kailangan ipagpaalam 'yung mga ganyang bagay. Eh dahil wala pong signal, hindi ko po nasabi agad. Kami kasi, ang usapan namin pagdating sa mga ganyang bagay, wala namang kaming pigilan. Hindi naman namin pinapakialaman ang trabaho ng isa't isa. Kumbaga, sa aming dalawa ni Bianca, dapat lang maging transparent kami pagka may mga ganyang eksena," paliwanag niya.
Samantala, mas umiinit ang laban sa mga parating na episodes ng Black Rider. Sa pagbagsak ng Golden Scorpion, aakalain ni Elias na magiging tahimik na ang kanyang buhay.
Pero may bagong puwersa siyang haharapin sa paglilingkisan ng mga dating kaaway ng Golden Scorpion.
Huwag palampasin ang bagong digmaan na haharapin ni Elias sa mga parating na episodes ng 2024 New York Festivals bronze medalist na Black Rider!
SILIPIN ANG MEDIA CONFERENCE PARA SA BAGONG YUGTO NG BLACK RIDER KUNG SAAN DUMALO SINA RURU MADRID, ANGELI KHANG AT IBA PANG MIYEMBRO NG CAST:
Ang Black Rider ay kuwento ng isang simpleng delivery rider na magiging bayani ng lansangan at haharap sa isang malaking sindikato.
Kapit lang sa mas suwabe, mas maangas at mas kapanapanabik na bagong yugto ng full action series na Black Rider, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime.
May simulcast ito sa digital channel na Pinoy Hits at may delayed telecast naman sa GTV, 9:40 p.m.
Maaari rin itong mapanood via livestream online sa Kapuso Stream.