
Sa pamamagitan ng isang behind-the-scenes vlog, isinama ni Kapuso Action-Drama Prince Ruru Madrid ang mga manonood sa set ng dambuhalang adventure-serye sa primetime na Lolong.
Source: rurumadrid8 (IG)
Ipinasilip niya ang ilan sa kanyang maaaksiyong eksena tulad ng pakikipaglaban sa isang malaking grupo ng mga tao, pagsabog ng isang van sa ulan, at marami pang iba.
Lalong naging espesyal ang kanyang vlog dahil ipinakita rin ni Ruru kung paano nila muling kinunan ang eksena kung saan siya naaksidente.
Matatandaang noong nakaraang Marso, nagkaroon ng ankle injury si Ruru habang kinukunan ang isang fight scene. Bahagyang naantala ang taping ng serye para makapagpahinga at makapagpagaling si Ruru.
"Ngayon kukunan na po namin 'yung eksena kung saan naaksidente ako dahil naudlot po 'yun. Ngayon tatapusin na namin, but this time kailangan talaga super safe. Nagsuot ako ng mga elbow pads, may knee pads ako dito. Nagsuot din ako ng [ankle] brace dahil hanggang ngayon mayroon pa rin akong iniinda na pain. But kailgnan na po namin tapusin 'tong eksenang 'to. Wish me luck at hopefully walang ma-aksidente dito," sabi ni Ruru sa vlog.
Kahit napapadaing kapag tumatalon, natapos pa rin ni Ruru ang eksena kung saan kakalabanin niya ang dalawang lalaki.
Bukod dito, ipinakita rin ni Ruru ang ilog kung saan niya laging ka-eksena ang animatronic crocodile na si Dakila. Nagbigay rin siya ng isang interesting tidbit tungkol kay Dakila.
"Dahil po wala ang buong katawan ni Dakila, nandito po ang kanyang ulo. Kapag may mga shots na hindi naman masyadong kailangan na sobrang laki, dahil siyermpe sobrang laki po ni Dakila, ayan lang muna ginagamti namin," bahagi ni Ruru habang ipinapakita ang ulo ni Dakila sa ilog.
Nagkaroon din ng simpleng salu-salo bilang wrap-up party ang cast at crew para i-celebrate ang pagtatapos ng kanilang taping. Nagbigay rito si Ruru ng mga mensahe ng pasasalamat sa lahat ng bumubuo ng serye.
Panoorin ang buong behind-the-scenes vlog ni Ruru sa set ng Lolong dito:
SILIPIN DIN ANG PHYSICAL TRANSFORMATION NI RURU MADRID PARA SA LOLONG SA GALLERY NA ITO: