
Mapapanood na ang award-winning prison drama film na Green Bones sa streaming giant na Netflix simula sa June 19.
Isa raw itong magandang balita para sa isa sa mga bida ng pelikula na si primetime action hero Ruru Madrid.
"Nakaka-excite kasi kahit ako, gusto ko rin siyang i-rewatch," kuwento ng aktor sa isang exclusive interview ng GMANetwork.com.
Masaya rin si Ruru na mas marami pang makakapanood ng kanilang pelikula.
"Ang nakakatuwa pa po ay hindi lang po siya sa Philippines, kundi worldwide siya ipapalabas. Nilu-look forward ko na mas marami pa pong mga tao, hindi lamang po sa mga kapwa po nating Pilipino ang makapanood nito kundi ang buong mundo," lahad ni Ruru.
Ipinagmamalaki niya ang pelikula kaya gustung-gusto niyang mapanood din ito ng mas malawak na audience.
"Para po sa akin, ang Green Bones ay isang masterpiece na dapat pong makita, hindi lamang po dito sa ating bansa kundi sa buong mundo," bahagi niya.
Ang Green Bones ay kuwento ng isang lalaki na makukulong dahil sa pagpatay sa kanyang kapatid at anak nito. Nang malapit na siyang mabigyan ng parole, makukuha niya ang atensiyon ng isang prison guard na gagawin ang lahat para manatili siya sa piitan.
Ang pelikula ay mula sa direksiyon ng multi-awarded filmmaker na si Zig Dulay, at isinulat nina National Artist for Films and Broadcast Arts Ricky Lee, at 2023 MMFF Best Screenplay winner Anj Atienza.
Humakot ito ng mga parangal sa 50th Metro Manila Film Festival, kabilang ang Best Picture, Best Actor para kay Dennis Trillo, Best Supporting Actor para kay Ruru Madrid, Best Screenplay para kina Ricky Lee at Anj Atienza, Best Cinematography para kay Neil Daza, at Best Child Performer para kay Sienna Stevens.
Magiging available for streaming ang Green Bones sa Netflix simula June 19.