
Excited na si primetime action hero Ruru Madrid na maibahagi sa mga manonood ang upcoming action-adventure series na Lolong: Bayani ng Bayan.
Lubos ang paghahandang ginawa ni Ruru para sa show, kabilang na ang pagte-train sa Filipino martials arts at pagpapalakas ng kaniyang katawan para muling magawa ang ilan sa sarili niyang stunts sa serye.
Sa kaniyang Instgram account, ibinahagi ng aktor na ilang stunts na ginawa niya para sa maaksiyong serye.
Makikita sa mga behind-the-scenes photos at videos ni Ruru na tumatakbo siya mula sa sunod-sunod na pagsabog, lumalangoy sa isang pool para sa isang underwater scene, at nakikipagbakbakan sa kaniyang co-stars.
"Sa likod ng bawat eksena," sulat niya sa caption ng kaniyang post.
Sa Lolong: Bayani ng Bayan, sisikapin ni Lolong na panatiliin ang kapayapaan sa Tumahan, lalo na sa pagitan ng mga tao at ng mga Atubaw--ang lahing kinabibilangan niya.
Pero isang matinding kalaban ang mananatiling nakatago mula sa mga mata ng taumbayan habang unti-unting ipinaparamdam ang kaniyang kapangyarihan.
Kaakibat nito ang isa pang nagbabadyang panganib dahil mawawala sa pangangalaga ng mga Atubaw ang Ubtao, isang hiyas na sagrado sa kanilang lahi at may kakayanang makapagpagaling ng iba't ibang mga karamdaman.
NARITO ANG SNEAK PEEK SA MGA EKSENANG DAPAT ABANGAN SA LOLONG: BAYANI NG BAYAN:
Abangan ang dambuhalang pagbabalik ng number one adventure serye sa Philippine primetime at 2022's most watched TV show sa pangalawang season nitong Lolong: Bayani ng Bayan, simula January 20, 8:00 p.m. sa GMA Prime.
May delayed telecast din ito sa GTV, 9:40 p.m. at maaaring panoorin online sa Kapuso Stream.