
Aminado ang bida ng upcoming action-drama series na Black Rider na si Ruru Madrid na isa sa mga pinakanahirapan siya sa paggawa ng kanyang serye ay ang pagsabayin ang action at drama.
Sa interview ni Ruru sa noontime news show ng GTV na Balita Ko, sinabi niyang maraming aspeto ng kanyang trabaho sa serye ang naging challenging para sa kanya.
“Bukod po sa fight scenes na ginagawa ko, may mga drama rin po dito. Siyempre ayaw naman po natin pabayaan,” sabi nito.
Dagdag pa ng aktor ay kailangan magkapareho ang lebel ng effort na ibinibigay niya sa action at dramatic scenes at sinabing hindi puwedeng pabayaan ang isa. Ngunit inamin ni Ruru na naging mas challenging ang kanyang project sa pagsasama ng dalawa.
“Siyempre parehas po talaga na kailangan mo mag-invest ng emosyon, tapos 'yung isa naman physically tiring talaga siya, so pag-uwi talaga sa bahay, talagang bagsak po talaga,” sabi nito.
SAMANTALA, BALIKAN ANG MGA 90'S ACTION HEARTTHROBS NA HINAHANGAAN NOON:
Ngunit kahit ganun, nilinaw naman ni Ruru na worth it ang lahat ng pagod dahil natupad ang isang bagay na pinapangarap niya.
“Ever since I was a kid, pangarap ko gumawa po ng action at ngayon na nandito na po ako at ginagawa ko ito, ayoko pong pabayaan," sabi niya.
“Kumbaga, binubuhos ko po lahat ng makakaya ko para po mapaganda bawat eksena kasi nandito na po, pinagkatiwala po sa akin ito, ayoko po silang biguin,” dagdag pa nito.
Kailan lang ay ibinahagi ni Ruru kung paano siya na-injure habang ginagawa ang isa sa stunts para sa serye. Dahil dito, nagkaroon ng Acute Ligamentous Injury sa kanang tuhod si Ruru.
Sulat nito sa caption ng kanyang post, “I love doing my own stunts and fight scenes pero syempre hindi maiiwasan ang aksidente... I decided to get a PT (Physical Therapist) Coach @josephsantosii para mas maging matibay at handa ang katawan sa lahat ng eksena na kailangan gawin.”
Ngayon ay on the road to recovery na si Ruru sa tulong ng kanyang physical therapist. Tinapos ng aktor ang kanyang post ng, “Health is wealth, kaya pangalagaan natin ang ating mga katawan para sa ating kinabukasan!”