
Isa ang Action-Drama Prince at Lolong star na si Ruru Madrid sa mga produkto ng reality talent search ng GMA na Protégé, kung saan nahasa ang kanyang talento sa pag-arte.
Sa isang one-on-one interview sa YouTube channel ng TV host na si Toni Gonzaga, ibinahagi ni Ruru ang ilan sa mga hindi niya malilimutang karanasan habang nasa nasabing programa, isa na rito ay nang makaharap niya ang batikang aktor at action star na si Philip Salvador.
Kuwento niya, "Noong time na nag-audition ako nandoon si Philip Salvador, 'yung Protégé kasi may mga mentors kami and then siyempre na-starstruck ako sa kanya action star, e. And then, may pinabasa sa akin na monologue, kabisaduhin ko raw. Yung monologue was about parang tatay na binubugbog 'yung anak na sumagot [sa kanya] for the first time.
"Sabi ko, 'Alam mo, 'tay, ganyan-ganyan,' e, hindi raw niya nararamdaman. Sabi niya, 'Isipin mo ako ang tatay mo.' 'Tapos binaba niya ng ganyan 'yung mic, 'tapos lumapit siya sa akin."
Ayon kay Ruru, dito niya unang naranasan ang masampal at talagang maiyak habang umaarte.
Aniya, "Sabi niya, 'Line!' Nagulat ako, siyempre, di ko pa alam gagawin ko sabi ko, 'Alam mo, 'tay,' 'Pag sabi ko ng, 'Alam mo tay,' sinampal [niya] ako! Totoong sampal. Naiyak ako pero tinuloy ko 'yung eksena tinapos ko and then, sabi niya, 'Good job.' 'Tapos yun nalaman ko na, na pasok ako sa Protégé."
Pagkatapos sa Protégé, nagtuluy-tuloy naman ang karera ni Ruru sa showbiz hanggang sa makuha siya upang gampanan ang iconic role ni Dingdong Dantes na si Ybrahim sa 2016 requel ng sikat na Kapuso fantaseries na Encantadia.
Ngayong taon, mas lalo pang nagniningning ang career ng aktor dahil sa kanyang pinagbibidahang top rating action series na Lolong, na mapapanood gabi-gabi sa GMA Telebabad. Bukod dito, kabilang din ang aktor sa cast members ng Running Man Philippines.
BALIKAN ANG NAGING SHOWBIZ JOURNEY NI RURU MADRID SA GALLERY NA ITO: