
Isa si primetime action hero Ruru Madrid sa mga aktor na kabilang sa bagong episode ng online exclusive series ng Netflix PH na Bida/Bida.
Kasama niya sa episode na pinamagatang "Bida/Kontrabida" sina Sam Milby, JM de Guzman, at Jerald Napoles.
Source: netflixph (IG)
Tinalakay nila dito ang iba't ibang bahagi ng pagiging isang aktor at isang lead star sa isang pelikula o teleserye.
Isa na rito ang epekto ng magandang project o piyesa sa performance ng isang aktor.
"For example, itong Green Bones, dahil alam mong Ricky Lee siya at alam mong Anj Atienza siya, at mayroon ka pang Zig Dulay, automatic, madaling makuha 'yung bawat emosyon na kailangan nilang makuha because malinaw na sa kanila kung ano 'yung tinatakbo ng story. And even sa aming mga artista, malinaw sa amin kung papaano 'yung character development namin.
"Because alam mo na inalagaan 'yung script na 'to, ginawa 'to dahil alam nila na ikaw 'yung babagay para dito, dapat nabibigyan natin sila ng tamang credits for that 'di ba?" bahagi ni Ruru.
Open din daw si Ruru na maging isang kontrabida, lalo na at puro mga mababait o mga bidang main characters ang ginagampanan niya sa mga teleserye.
"Feeling ko, mayroong idea sa atin na kapag kontrabida, alam mong mas challenging siya. Alam mong mas lalabas 'yung pagiging aktor mo. Never ko pang na-try na magkaroon ng role na isang kontrabida or masama ako," lahad niya.
Aminado din si Ruru na may kaunting bahagi ng kanyang sarili ang ibinibigay niya sa bawat karakter na ginagampanan niya.
"Real feelings 'yung ini-invest natin. Hindi naman siya basta in-oorder mo lang kung saan at sasabihin na 'Umiyak ka nga ngayon.' Hindi eh. Totong emosyon siya so parang kailangan mo talagang balikan 'yung pakiramdam na 'yun," paliwanag niya.
Isang makabuluhang mensahe naman ang iniwan niya para sa mga kasamahan at mga nais maging artista.
"As long as binibigay mo lahat sa trabaho mo, ano mang klaseng project yan, kahit na ilang tao lang manonood niyan, mayroon kang maiiwan sa kanila so might as well give everything," aniya.
Panoorin si Ruru Madrid sa "Bida/Kontrabida" episode ng Bida/Bida ng Netflix PH:
Samantala, mapapanood ang award-winning film na Green Bones sa Netflix simula June 19.