
Non-stop action-drama ang matutunghayan sa nalalapit na heroic season finale primetime series na Lolong: Pangil ng Maynila.
Pero kahit magsasara na ang kuwento ng serye, hindi daw tuluyang magpapaalam ang bida nitong si primetime action hero Ruru Madrid sa karakter niyang si Lolong.
Malaki daw kasi ang utang na loob niya sa karakter na ito at maging sa kuwento ng dalawang seasons ng serye.
"In the case of Lolong, hindi ako kailanman magpapaalam sa karakter na ito dahil habangbuhay na po siyang nakatatak sa puso at isipan ko. Dahil katulad nga po ng lagi kong sinasabi, 'yung Lolong talaga 'yung nagpabago sa buhay ko so ito po 'yung lagi kong panghahawakan, buong buhay, ano man po ang mangyari," pahayag ni Ruru.
Patuloy daw niyang ipagmamalaki ang serye at gagamitin sa hinaharap ang lahat ng natutunan niya dito.
"Para sa akin, kailangan ko lang mag-move forward. Hindi ko kailangan mag-move on. Hindi ko kailangan kalimutan itong bagay na 'to dahil itong nangyari sa 'kin, dadalhin ko 'to habang buhay. At ito po, ikukuwento ko sa magiging pamilya ko, sa magiging anak ko eventually," lahad niya.
Sa nalalapit na heroic season finale ng Lolong: Pangil ng Maynila, muli nang maghaharap ang karakter ni Ruru na si Lolong at mortal niyang kaaway na si Ivan (Martin del Rosario).
Natakas naman ni Dona (Jean Garcia) ang sanggol na ipinanganak ni Elsie (Shaira Diaz). Mababawi pa kaya nila ito?
SILIPIN ANG HULING ARAW NG TAPING NG LOLONG: PANGIL NG MAYNILA DITO:
Huwag bibitaw sa heroic season finale ng Lolong: Pangil ng Maynila, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime.
May delayed telecast din ito sa GTV, 9:40 p.m. at maaaring panoorin online sa Kapuso Stream.