
Hindi lang basta isang superserye ang Encantadia Chronicles: Sang'gre para sa mga cast nito. Isa rin itong naging simbolo ng inspirasyon, lakas, at biyaya sa kanilang buhay.
Sa panayam sa 24 Oras, ibinahagi nina Angel Guardian, Kelvin Miranda, Bianca Umali, at Rhian Ramos kung paano sila hinubog ng proyekto sa kanilang career at sa personal na buhay.
Para kay Bianca, na gumanap bilang Terra, naging daan ang serye upang magbigay ng pag-asa sa mga nagmamahal sa Sang'gre.
"Sa haba ng panahon na pinagdaanan ng show, ang daming maliliit na bagay na natutunan namin. Hindi lang para sa project na ito, pero para sa mga sarili namin," aniya.
"Kung paano rin namin talagang ilalaban 'yung mga sarili namin sa kabila ng nangyayari sa mundo [at] sa amin. 'Yun 'yung magic ng Encantadia. Isa siyang palabas ng pag-asa."
Samantala, ibinahagi ni Angel na ang kanilang mga costume ay nagsilbing simbolo ng kanilang pinagdaanan sa serye. Hindi lamang ang karakter, kundi rin bilang mga artista.
"Ako na-se-sepanx na talaga ako at natutuwa ako na today, nasuot pa namin ulit ito. Kasi akala ko, the last time na susuot namin ito is 'yung last taping day," kuwento niya.
Labis naman ang pasasalamat ni Rhian sa mga biyayang hatid ng Sang'gre. Aminado, naging emosyonal siya matapos ang kanilang huling araw sa set.
"Nakailang last day na ako sa iba't ibang show, and I wasn't expecting to feel the feelings that I felt noong last day namin. Noong time na iyon, parang I was okay. But when I got home, tapos na-realize ko nga 'yung huling tanggal ko ng braids, umiiyak na ako pagdating ko sa bahay," pahayag ng aktres.
Para naman kay Kelvin na gumanap bilang Sang'gre Adamus, naging inspirasyon ang kanyang karakter upang magpatuloy sa kabila ng personal na pinagdaraanan, kabilang na ang pagpanaw ng kanyang ama.
"Kailangan kong magpatuloy kasi 'yun naman 'yung purpose natin. Nagpapatuloy, 'yun ang sagot ko." sabi niya.
Huwag palampasin ang epic finale week ng Encantadia Chronicles: Sang'gre, 8:00 p.m. sa GMA Prime at 9:45 p.m. sa GTV.
Mapapanood din ito online via Kapuso Stream sa official Facebook account at YouTube ng GMA Network. Maaari ring panoorin ang full episodes sa GMANetwork.com/Sanggre.
Samantala, silipin ang naganap sa Sang'gre Finale Media Day sa gallery na ito: