What's Hot

Sanya Lopez, isang buwang nanirahan sa Japan kasama ang 'Midnight Girls' co-actors

By Bianca Geli
Published May 14, 2026 12:33 PM PHT

Around GMA

Around GMA

LIVE - SP Alan Peter Cayetano presscon (May 14, 2026) | GMA News
COMELEC registers 77 voters in Romblon jail
Pinagmamalaking kuhol dish ng Catanduanes, masarap kaya? | Pinas Sarap

Article Inside Page


Showbiz News

sanya lopez


Bilang paghahanda sa 'Midnight Girls,' sumailalim si Sanya Lopez at kanyang co-stars sa isang immersion bilang entertainer sa Japan.

Inilahad ni Sanya Lopez ang naging immersion nila sa Japan bilang paghahanda para sa pelikulang Midnight Girls, kung saan gumanap sila bilang mga babaeng entertainer sa isang club o “Omise.”

Sa pagbisita niya sa Your Honor, ikinuwento ng Kapuso actress na tumira at nakisalamuha talaga sila sa buhay ng mga entertainer sa Nagoya kasama sina Jodi Sta. Maria, Loisa Andalio, at Jane Oineza.

“Sa mga hindi po nakakaalam, ang Midnight Girls po ay tungkol sa sisterhood. Siyempre, may apat na babae na pumunta sa Japan, sa Nagoya, at nakipagsapalaran doon. At sila 'yung apat na babae na may mga kaniya-kaniyang battle sa buhay nila,” kuwento ni Sanya.

Ayon sa aktres, walang ideya ang mga Japanese customers na artista sila noong una silang sumalang sa immersion.

“Noong umpisa, walang may alam sa mga client doon, 'yung mga Hapon, na artista kami. Wala talaga silang alam. Ang alam lang nila, isa kami sa mga bagong salta,” saad niya.

Ibinahagi rin ni Sanya na si Jodi umano ang nakaisip na magsagawa sila ng immersion para mas maging makatotohanan ang kanilang pagganap.

“Ang nagsimula talaga at nagsabi nito ay si Ate Jodi, mas lalo akong humanga sa kaniya. Siya talaga 'yung nakaisip ng idea na bakit hindi tayo magkaroon ng immersion, para siyempre, mahirap 'yung trabaho namin,” ani Sanya.

“At saka 'yung proseso, kung paano ba talaga ginagawa 'yung pagsalin ng beer, paano 'pag cheers. Ganoon siya kadetalye dapat. Paano namin magagawa 'yun kung wala kami mismong alam?” dagdag pa niya.

Related gallery: Sanya Lopez embraces the charm of Japan

Naging hamon din umano sa kanila ang language barrier dahil karamihan sa mga customer ay hindi marunong mag-English.

Sa tulong ng mga translator, nagawa nilang makipag-usap at makibagay sa kanilang mga customer habang isinasagawa ang immersion.

“Na-table kami, tig-isa kami. So, pinuwesto kami doon ng mismong mga entertainers, pinakilala kami. Siyempre kasi, nagtataka 'yung mga Hapon na, 'Sino itong mga bago? Madalas kami dito, wala naman kayo,'” kuwento ni Sanya.

Bukod sa pakikipagkuwentuhan sa mga customer, nag-perform din umano sila bilang entertainers sa club.

“Pinakanta lang muna si Ate Jodi, isa-isa kami. 'O sige, ikaw naman, pambato,' ganiyan. Hanggang naging masaya na 'yung buong Omise,” aniya.

Masaya ring ikinuwento ni Sanya na nakatanggap sila ng mga tip mula sa customers habang nagpe-perform.

“Tapos, noong nag-e-enjoy na sila, meron na kaming stage. Noong nasa stage na kami, grabe, ang dami naming Lapad (10,000 yen).”

Dahil bawal silang hawakan, chopsticks umano ang ginamit ng mga customer sa pag-abot ng pera sa kanila.

“Oo, gina-ganoon [chopsticks] lang sa amin 'yung pera, 'yung lapad. Sabi ko, 'Kung alam ko lang, may dala akong basket. Hindi ko alam,'” biro ni Sanya.

Aminado rin ang aktres na malaking tulong sa kanila ang natanggap nilang tips habang isang buwan silang nanatili sa Japan.

“Buhay talaga kami doon. 'Yun 'yung bumuhay sa amin. Dahil 'yung mga tips sa amin, yun na talaga. Kasi, meron naman kaming pocket money, binigay sa amin. Pero siyempre, nu'ng nagkaroon kami noon, mas nabuhay kami for a month kasi isang buwan kami doon eh,” saad niya.

Mapapanood ang Midnight Girls sa mga sinehan simula Miyerkoles, Mayo 13.

Related gallery: Sanya Lopez stuns in red suit at 'Midnight Girls' grand media launch