
Madamdamin at makahulugan ang social media post ng singer-actress na si Sarah Geronimo sa kanyang Instagram account ngayong Sabado, October 29.
Sa naturang post, bukod sa kanyang pag-iingat sa publiko dahil sa hagupit ng bagyo, at pasasalamat sa kanyang mga tagasuporta, nagbigay rin siya ng mensahe sa kanyang mga magulang at malalapit na tao sa kanyang buhay.
Dito ay humingi ng tawad si Sarah sa kanyang pamilya na ayon sa kanya ay kanyang nasaktan noon dahil sa kanyang mga naging desisyon sa buhay.
Aniya, "Gusto ko rin kunin ang pagkakataon na ito, sa paraan din na ito.. na humingi ng tawad sa aking pamilya na labis na nasaktan sa aking mga naging desisyon sa buhay. Patawad po."
Nagpasalamat din si Sarah sa pagmamahal sa kanya ng kanyang mga magulang na inamin niyang kanya ring nami-miss.
"Sa aking mga magulang.. walang hanggan po ang pasasalamat ko para sa buhay na ibinigay niyo sa akin, sa aming magkakapatid. Lahat ng suporta at pag-aaruga..ang inyong walang katumbas na pagmamahal, walang sino man ang pwedeng makapagpunan po nito.
"Mahal na mahal ko kayo.. daddy at mama ko. Araw-araw ko po kayo nami-miss at naiisip," ani Sarah.
Sa mga sumunod na post ng singer-actress, ibinahagi niya ang kanyang mga natutunan sa buhay at kung paano nakatulong ang mga pagsubok upang mas maging matatag siya ngayon. Napasalamat din siya sa lahat ng mga taong naging instrumento upang tulungan siyang maging matagumpay na artista.
February 2022 nang isapubliko nina Sarah at kanyang asawa na si Matteo Guidicelli ang kanilang naging intimate wedding na gumulat sa marami.
Sa ngayon, aktibo pa rin sina Sarah at Matteo sa kanilang mga trabaho habang nag-e-enjoy sa buhay may asawa.
SILIPIN ANG MASAYANG BUHAY MAG-ASAWA NINA SARAH GERONIMO AT MATTEO GUIDICELLI SA GALLERY NA ITO: