
Ikinuwento ni Sassa Gurl sa kaniyang buhay kasama ang ina—mula sa kanilang simpleng buhay hanggang sa kasalukuyang tinatamasang tagumpay—sa eksklusibong panayam ni Kara David para sa video podcast na I-Listen.
Dito ay nagbahagi siya ng ilang nakatutuwa ngunit tagos-sa-pusong mga kuwento ng buhay niya at ng kaniyang inang si Esther.
Ibinahagi ni Sassa na bago pa man siya maisilang ay nagtatrabaho na ang kaniyang ina bilang kasambahay, kung saan niya nakilala ang kaniyang ama.
“Hindi pa ako pinapanganak, katulong na si Mama. Si mother kasi, umalis siya sa kanila 16 years old pa lang. Galing siyang Samar. Gusto niya kasing magtrabaho dito sa Maynila hanggang sa napunta siya sa bahay kung saan nakatira yung Papa ko. Tapos yung Papa ko kasi, parang yung may-ari ng bahay, kamag-anak ng Papa ko,” kuwento niya.
Pabirong hirit pa ni Sassa: “Na-thirst trap niya ang Papa ko. Ayon na, ako na 'yon.”
Inamin naman ni Sassa na noong una ay hindi niya maunawaan ang trabaho ng kaniyang ina bilang kasambahay. Bukod kasi sa nakikitira sila sa bahay mismo ng amo ng kaniyang ina, tila malapit din siya sa mga taong naroon.
“Noong una, kasi siyempre, parang ano ako, lumaki ako doon. Ang mga tawag ko sa mga tao sa bahay ay 'Tito,' 'Tita'; so hindi ko na siya naramdaman. Hindi ko naramdaman. Pero minsan, nakikita ko na siya yung nagluluto, naglalaba. Eventually, na-gets ko na rin na may trabaho pala rito si Mama. Okay na-realize ko na kasambahay siya,” pagbabahagi niya.
“Walang mali doon. Wala rin akong nakitang parang ikahihiya ko. Naintindihan ko naman,” buong pagmamalaking sinabi ni Sassa.
Gayunman, inamin ni Sassa na noong nag-aaral pa siya, nagpapanggap siyang sila ang may-ari ng bahay at hindi niya inaamin na kasambahay ang kaniyang ina.
“Sa school, may mga time na gusto ko magpaka-social climber. Ang sinasabi ko, 'Kami ang may-ari ng bahay na 'yan!' ganon! May mga ganoon akong moments sa buhay na parang feeling ko yaman-yamanan ako,” kuwento niya.
“Eventually naman, nasabi ko na rin sa kanila, at saka natanggap ko na rin naman sa sarili ko na wala namang masama d'yan [sa pagiging kasambahay]. Nakuwento ko na rin naman sa kanila yung totoo."
Dagdag pa niya, "Hindi ko ino-open up kasi noong college, wala rin namang pumupunta sa bahay. Naglakas ng loob na akong ikwento ito sa mga mga tao noong nagtatrabaho na ako at nalaman ko na ang power ng pera. Kasi yung nanay ko, kahit hindi siya nakapag-aral, nakakagawa siya ng pera. So, naging proud talaga ako sa storya na 'yon at gusto ko talaga siya ikuwento kahit saan."
READ: Your Honor: Sassa Gurl, palaban sa mga nambu-bully
Buong pagmamalaki pa ni Sassa sa kaniyang ina: “Yung nanay ko napagtapos niya ako ng college sa pagkakasambahay; at single mom lang siya.”
Isa pa sa ibinahagi ni Sassa ay ang buong-pusong suporta ng kaniyang ina sa kaniyang pagiging bakla. Gayunman, may kaakibat pa ring takot ang kaniyang ina dahil ayaw nitong siya ay masaktan.
“Yes, nanay ko talaga yung supportive sa kabaklaan ko,” aniya.
“Ang kinakatakot lang naman talaga niya ay mangyari sa 'kin yung nangyari sa'kin noong highschool na may mam-bully ulit sa akin, na may nanakit sa akin. Pero sabi naman niya sa akin; kung saan ka masaya, at kung saan yung ikaliligaya mo kung sino ka talaga. Doon ako susuporta."
Binigyang-diin din ni Sassa ang hirap ng pagkakaroon ng malayang komunikasyon sa mga magulang, lalo na para sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community, partikular sa mga trans, na mag-open ng nararamdaman at dinaranas.
“Naiintindihan ko rin naman kung saan nanggagaling yung fear niya. Mas na-communicate ko sa kaniya. Kasi feeling ko, 'yon yung kulang sa maraming trans ngayon, ang hirap talaga na kausapin yung mga magulang natin about our situation, kasi hindi siya madali. Kahit sa mga sarili namin, hindi kami nadalian na tanggapin ito, 'yun pa kayang ibang tao,” pahayag ni Sassa.
Diin pa niya, “Nasa communication talaga at pagiging honest sa parents ninyo."
Inihayag din ni Sassa ang kaniyang matinding paghanga sa kaniyang ina dahil sa angking sipag at tiyaga nitong ibigay ang lahat para sa kaniya, kahit pa hindi na ito nakakapagpahinga.
“Na-appreciate ko talaga yung nanay ko kasi kakaiba pala talaga yung hirap, tiyaga niya. Kasi ako ngayon, hindi ko kayang magtrabaho na hindi ako nagpapahinga, ng hindi nagbabakasyon, ng hindi gumagala. Hindi ko nakita ang nanay ko na nagbakasyon, naglakwatsa, o nagpahinga,” kuwento ng content creator.
Dugtong pa niya, “Nabigay niya yung buhay na gusto ko,yung gusto niya para sa akin. In the end, wala man kami, meron ako. Nanay talaga si Mama.”
Sa kasalukuyan, tampok si Sassa Gurl sa pelikulang Saving Cherry kung saan nakasama niya sina Barbie Forteza, Khalil Ramos, Mika Salamanca, Mikee Quintos, AC Bonifacio, Joey Marquez, JC Alcantara, Kokoy De Santos, at marami pang iba.
Unang siyang nakilala sa social media platform na TikTok noong panahon ng pandemya, kung saan siya ay sumikat dahil sa kaniyang mga nakatutuwang skits at komedyang nakatutok sa kultura at karanasang Pilipino.
Related Gallery: Sassa Gurl's journey from being an internet star to movie star