
Madamdaming performance ang ihinandog ng team nina Vice Ganda, Karylle, at Ryan Bang sa pinakahinihintay na Magpasikat 2024. Puno ng emosyon ang kanilang hatid tungkol sa pag-asa ng bawat Pilipino.
Hindi lang emosyon ang ibinigay ng team, dahil may halong sorpresa rin ang kanilang performance. Maraming netizens ang nagulat nang ibinunyag nila na isa sa kanilang guest performers ay ang Kings of P-pop na SB19. Pagkatapos kumanta si Vice sa stage, ipinalabas ng kanilang team ang special VTR ng boy group tungkol sa pag-asa sa kanilang karera at buhay.
Maya-maya, pumasok na sa It's Showtime stage ang grupo habang inaawit ang bagong bersyon ng kanilang kantang "Liham." Maraming umiyak sa kanilang performance nang sabayan sila ng iba pang special guests at ibinahagi ang kani-kanilang kuwento.
Labis na nagpasalamat si Vice sa tulong at dedikasyon ng grupo. "Sobrang laki ng tinulong nila at [na-contribute] nila sa performance namin. Hindi lang sila nag-guest para kumanta, nakipag-brainstorm sa amin, sumasama sila sa meeting at pinahiram 'yung kanta nila mismo. Nag-ano pa tayo, may music session, pinapakinggan namin tapos namimili kami kung ano ang magandang kanta," sabi ni Vice.
Ibinunyag din ng Unkabogable Star na ang SB19 mismo ang nagboluntaryo na baguhin ang lyrics ng kanilang kantang "Liham" upang umayon sa tema ng performance. "Tapos 'yung kinanta namin sa huli, original song po iyon ng SB19. Tapos sabi nila, sila nag-offer a, 'Gusto n'yo i-relyric namin para sumwak sa concept?' Ni-relyric nila 'yung kanilang kantang 'Liham' kaya maraming, maraming, maraming, maraming salamat," ani Vice.
Nagpasalamat din ang SB19 sa programa sa pagkakataong maging parte ng isang engrande at inspiring performance. "Maraming, maraming salamat po sa opportunity at sobrang na-touch din po kami sa message na ito kaya masayang-masaya po kami maging part nito. Binigyan n'yo rin po kami ng hope at panibago siyempreng pag-asa na puwede naming i-look forward," sabi ni Josh.
"Ang dami n'yong na-achive pero sa sobrang husay n'yo st sa edad n'yo, ang dami n'yo pang i-look forward because you guys are limitless. Sobrang galing ninyo kaya congratulations," hirit ni Vice. Ibinahagi rin niya kung gaano ka-dedicated at mabait ang P-pop group, "At saka hindi po sila nagpabayad. Ayaw nilang tumanggap ng bayad. Maraming, maraming salamat talaga SB19."
Ang kanilang performance ay nag-trending online. Umabot sa trending list ng X (dating Twitter) ang hashtags at phrases #Magpasikat2024ViceKarylleRyan, #ShowtimeMagpasikat2024, at SB19 Liham.
SAMANTALA, BALIKAN ANG MGA NANGYARI SA KANILANG THANKSGIVING MASS AT MEDIA CONFERENCE DAY DITO: