
Opisyal nang inilabas ng SB19 ang kanilang extended play album na pinamagatang “Pagsibol” na naglalaman ng anim na kanta.
Kabilang sa album na ito ang kanilang comeback single na “What?," “Mapa," “Mana,” “Ikako," “SLMT," at ang all-english na “Bazinga."
Noong nagsimula ang pandemya, naipon daw ang pagiging malikhain ng five-man Pinoy boy band.
“Thankful kami kasi 'yung creative energy nga po namin na sinasabi niyo, naibuhos po namin doon sa ilalabas po naming album and, yun po, nag pay off naman,” ani Pablo.
Dagdag niya, “Nagustuhan naman po namin 'yung kinalabasan and sana magustuhan din ng mga tao.”
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas, ibinahagi niya na makikita sa bagong EP ng P-pop boy band ang kanilang maturity, ang “going back to their roots”, at ang pagpapahalaga sa mga importanteng tao at bagay para sa kanila.
“Nakikita po namin kung ano 'yung natanggap namin at ayaw namin pakawalan,” ani Pablo.
“Masasabi [ko] na nag-mature 'yung work namin kasi na-realize namin kung ano 'yung meron kami,” dagdag pa niya.
Ipapalabas na rin sa darating na Agosto ang isa pang sorpresa ng Pinoy boy band at ito ang pinaka-inaabangan na “Back In The Zone” online concert.
“Yung pinrepare namin na performances is something na dun niyo lang din makikita,” sagot ng miyembro na si Justine.
Dagdag pa nito, “Marami po kaming ginagawang pakulo. So sana po abangan niyo po.”
Maraming tagumpay na nakamit ng SB19 at kabilang na dito ang panalo ni Pablo sa Djooki Music Awards Spring Edition 2021 noong Mayo.
Dumarami na rin ang bilang ng kanilang fans at supporters na kitang-kita sa social media accounts ng SB19.
Ibinahagi muli ni Pablo, “'Yung pinagtatabi po 'yung first posting namin sa Facebook page namin, '150 subscribers, congratulations' tapos ngayon two million na po... grabe po 'yung growth”
Aniya, “Salamat po sa lahat talaga ng sumusuporta sa amin.”
Noong Abril, napabilang ang SB19 sa listahan ng mga nominado para sa kategoryang “Top Social Artists” ng Billboard Music Awards 2021. Kabilang din sa listahan ang sikat na K-pop groups na BTS, Blackpink, Seventeen, at Pop star na si Ariana Grande.
Muli naman tingan ang mga nakakamanghang larawan ng SB19 sa gallery na ito: