
Lubos ang paghanga ng Kapuso actress na si Shaira Diaz sa buhay ni Lorraine Pingol, ang nurse na nag-viral noon matapos tulungan ang isang babaeng nanganak sa kalye.
Sa panayam ng 24 Oras, sinabi ni Shaira, "Ang galing ng ginawa niya kasi kitang-kita sa video na parang kalma lang siya, e. Kasi, kung ako yun, siguro magpa-panic na rin ako.
"Pero siya, kalma siya at hindi niya iniisip na, 'Wala akong ganito, kulang ako sa ganito.' Basta yung matulungan lang niyang mailabas yung bata."
Gagampanan ni Shaira ang character ni Nurse Lorraine sa bagong episode ng #MPK (Magpakailanman) mamayang gabi.
Ayon sa aktres, bukod sa mga naipakita sa telebisyon, mas lalo pang makikilala ng mga manonood ang viral nurse sa #MPK.
"Bukod sa nagpaanak siya time na 'to, sa panahon ng pandemic, mapagmahal din siyang anak at masipag.
"Gusto niyang matupad ang mga pangarap niya, pero kasabay n'on, may mga pangyayaring hindi inaasahan sa kanya. So, maraming ring dagok sa buhay niya," paglalahad niya.
Makakasama ni Shaira sa bagong episode na ito ng #MPK sina Yayo Aguila, Luis Hontiveros, at Anthony Rosaldo.