
Aminado ang promising dramatic actress na si Shayne Sava na humuhugot siya sa kanyang personal experience para sa kanyang character sa Raising Mamay.
Bahagyang malapit sa tunay na buhay ni Shayne ang role niya na Abigail o Abi. Sa afternoon drama, iniwan ang mag-inang Abi at Letty (Aiai Delas Alas) ng kanilang padre de pamilya na si Bong (Antonio Aquitania) para sa ibang babae.
Sa August 27, 2021 episode ng Mars Pa More, inamin ni Shayne na first heartbreak niya nang iniwan sila ng kanyang tatay noong bata pa lang siya.
"Parang roller coaster ride. Minsan tatlong taon siyang hindi magpaparamdam, 'tapos magpaparamdam na naman siya ulit, sasabihin niya magsusustento siya, 'tapos hindi na naman.
"Lagi niya pa akong pinapaasa, sasabihin niya 'Uy ibibili kita ng ganiyan,' 'Aalis tayo' 'tapos wala naman. Parang ang sakit, 'di ba," kwento ng aktres sa katatapos lang na morning talk show.
Sa Raising Mamay, halos ganito rin ang sitwasyon ni Shayne at ng ama niya sa serye na si Antonio Aquitania matapos sumama sa ibang babae ang karakter ng aktor na si Bong.
Bahagi ng 20-year-old actress sa exclusive chat ng GMANetwork.com, "Meron isang scene do'n na nahirapan ako bumitaw kasi feeling ko 'yon 'yung mga words na gusto kong sabihin before sa daddy ko, 'yung medyo nagtatampo pa ako sa kanya, sa mismomg daddy ko.
"And feeling ko sobrang grabe no'ng scene na 'yun kasi after that scene, nahirapan po akong bumitaw kasi nanginginig ako, as in, parang sa galit gano'n."
Marahil ang tinutukoy ni Shayne ay ang eksena nila ni Antonio na ipinalabas noong April 27. Dito ay kinausap ni Bong si Abi tungkol sa paghihiwalay nila ng asawa nito at kinalakihang ina ni Abi na si Letty. Pinilit ni Abi ang ama na makipagbalikan kay Letty pero buo na ang desisyon ng lalaki.
Matapos ang ilang taon, bumalik si Bong para mabuo ang kanilang pamilya pero hindi na ito magiging katulad ng dati dahil sa age regression ni Letty.
Inamin ni Shayne na nagtampo siya sa kanyang totoong ama noon pero, aniya, in good terms na sila ngayon.
Patuloy na subaybayan si Shayne sa huling tatlong linggo ng Raising Mamay mula Lunes hanggang Biyernes, 3:25 ng hapon sa GMA.
Mapapanood din ang full episodes ng serye sa GMANetwork.com o GMA Network app.
Samantala, kilalanin pa ang promising dramatic actress sa gallery na ito: