
Kadalasan, masaya at matiwasay ang pagsasama ng mga bagong mag-asawa, lalo na 'yung mga nagsisimula pa lang bumuo ng pamilya.
Ngunit, sa kasamaang-palad, may iilan na hindi malabanan ang tukso kahit na mayroon na silang asawa.
Ito ang masaklap na istoryang tampok sa “Kamandag” episode ng bagong Wish Ko Lang ngayong Sabado, October 23.
Bagong mag-asawa pa lamang ang civil engineer na si Miguel (Polo Ravales) at ang maganda niyang misis na si Elaine (Sunshine Cruz), na isang therapist.
Nagkakilala ang dalawa dahil sa madalas na pagpapamasahe ni Miguel tuwing pagod siya galing sa trabaho.
Sadyang napakaganda ni Elaine kaya hindi nakakapagtakang mahulog ang loob sa kanya ni Miguel.
Tahimik at maayos naman sana ang pagsasama ng mag-asawa lalo na at kakalipat lang nila ng bahay at nagdadalang-tao si Elaine sa kanilang unang anak.
Pero unti-unting madidiskubre ni Elaine na sadyang matinik pala sa mga babae ang kanyang mister.
Sina Sunshine Cruz, Polo Ravales, Jopay Paguia, at Yesh Burce sa “Kamandag” episode ng bagong Wish Ko Lang / Source: Wish Ko Lang
Bukod sa mababasa niyang text messages kung saan "hon" ang tawag kay Miguel, ay may makikita rin itong bra sa kanilang bahay na hindi kanya.
Nang kumprontahin ni Elaine si Miguel tungkol sa natagpuan niyang bra ay mariing itinanggi nito na may kabit siya, at baka pagmamay-ari raw 'yon ng dating nakatira sa bahay nila.
Sa isang panayam, inilahad ni Sunshine Cruz kung ano ang kuwento ng kanyang karakter na si Elaine.
“Bilang asawa, ilalaban ko kung ano ang akin. Talagang sinusugod ko itong mga babaeng ito na balak agawin ang aking asawa.”
Dagdag pa ni Sunshine, mayroon daw isang malaking plot twist na dapat abangan sa istorya.
“So, from those incidents, makikita natin kung ano ba talaga ang totoong pagkatao ni Elaine at ang totoong pagkatao ng kanyang asawang si Miguel na dapat ninyong abangan.”
Makakasama rin nina Sunshine at Polo sa “Kamandag” episode sina Shanelle Agustin, Ina Feleo, Yesh Burce, Andrew Gan, at Jopay Paguia.
Huwag palalampasin ang “Kamandag” episode ng bagong Wish Ko Lang ngayong Sabado, alas-4 ng hapon sa GMA.
Maaari ring mapanood ng mga Kapuso abroad ang bagong Wish Ko Lang sa GMA Pinoy TV. Para sa program guide, visit www.gmapinoytv.com.
Balikan ang istorya ng pagtataksil ng isang mister na pinutulan ng ari ng kanyang misis sa gallery na ito: