
Maswerteng mother-in-law umano ang beteranong aktres na si Sylvia Sanchez sa kaniyang mga manugang na sina Maine Mendoza, na asawa ng kaniyang anak na si Arjo Atayde, at Zanjoe Marudo, na asawa naman ni Ria Atayde.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, October 25, sinabi ni Sylvia na okey naman ang relasyon niya kina Maine at Zanjoe, at kung gaano niya kamahal ang dalawa. Kuwento pa ng aktres, sobrang mahiyain ng actress-tv host nang una itong magpunta sa kanila.
“Du'n ko nakita, kasi sinasabi nila suplada, Kuya Boy, nami-misinterpret si Maine. Sobra siya talagang mahiyain. Kung alam lang nila. May mga nagsasabi sa'kin, suplada, hindi. 'Wag niyo i-judge 'yung tao kasi nakita ko siya e, nag-usap kami,” sabi ni Sylvia.
Pag-alala nang batikang aktres, noong unang pumunta si Maine Mendoza sa bahay nila ay halos 15 minutes itong nasa labas lang dahil sobra umano itong nahihiya sa kaniya. Aniya, noong una ay hindi siya naniniwalang introvert si Maine dahil energetic at makulit ito sa noontime show bilang host, ngunit napatunayan niya mismo ang pagiging introvert nito.
“Ako mismo, na-experience ko. Sabi, 'Mommy, nahihiya pa, sandali lang.' 'Halika na, sige.' Lumabas si Arjo, pagbalik niya, ako na sumalubong. 'Hi, Maine!' niyakap ko na, Kuya Boy, sobrang lamig,” kuwento pa ni Sylvia.
SAMANTALA, KILALANIN ANG ATAYDE SIBLINGS, MGA ANAK NI SYLVIA SANCHEZ, SA GALLERY NA ITO:
Aminado naman si Sylvia na kahit iba ang approach ni Zanjoe Marudo ay mahiyain rin ang aktor. Ngunit sabi ng aktres, una pa lang ay gusto na niya ang napangasawa ng anak.
“Mabait kasi Kuya Boy, kasama ko kasi 'yan, nakakatrabaho ko, nakakasama ko sa trabaho. Swerte ako bilang mother-in-law dahil mero akong Maine Mendoza na daughter-in-law, at Zanjoe Marudo na son-in-law,” sabi ni Sylvia.
Ngunit nang tinanong siya ni Boy Abunda kung kamusta siya bilang biyenan, ang sagot ni Sylvia, “Ay, okey naman. Gusto ko lang si Z (Zanjoe) at si Maine ang magsabi niyan pero okey kami.”