GMA Logo Kapuso Mo, Jessica Soho
Source: gmapublicaffairs/YT
What's Hot

Tattoo artist, sinaklolohan ang isang lolo na inatake sa puso

By Kristian Eric Javier
Published October 1, 2024 4:49 PM PHT

Around GMA

Around GMA

Hussein Loraña, Naomi Marjorie Cesar rule athletics' 800m events at 2025 SEA Games
Baste Duterte slams opening of unfinished road project
Heart Evangelista is cool and chic in baggy pants

Article Inside Page


Showbiz News

Kapuso Mo, Jessica Soho


Sa kabila ng laganap na panloloko na nangyayari ngayon, mayroon pa ring good samaritan na handang tumulong.

Sa panahon ngayon na marami nang manloloko at mga tao na walang pakialam sa kanilang kapwa, isang lolo ang nakatanggap ng hindi inaasahang tulong galing sa tattoo artist na napadaan lang at hindi naman nila kilala na nagsalba ng kaniyang buhay.

Sa Kapuso Mo, Jessica Soho, isang lolo ang biglang inatake sa puso habang naglalakad sa kalsada sa gitna ng kainitan ng araw. Buti na lang ay may nagmagandang loob na isakay sila sa kotse at ihatid sa pinakamalapit na ospital.

Naka-live video noon ang tattoo artist na si Chris Mark Manipol o mas kilala bilang si Mewo nang magpunta siya sa Bacoor, Cavite para sa isang raket. Aniya, pagdating niya sa event ay nakasalubong pa niya ang isang lolo na si Arturo Bolotano na naglalakad sa kalsada.

Kuwento ni Mewo, “Naka-live ako, pagbaba ko, parang may kaguluhan e, ta's nakita ko, may dalawang babae du'n na nakatayo. Paglapit ko, nu'ng nakita ko si tatay, labas na 'yung dila. Sabi ko, 'Naku, delikado na 'to.'”

Inalok niya ang asawa ni Arturo na si Trinidad na sa kotse na sila sumakay para kumportable sila at ihahatid na niya sila sa ospital. Mapapanood din sa video na nag-viral kamakailan lang kung gaano kagalit si Mewo sa ibang mga sasakyan na sinisigawan na niyang tumabi dahil may emergency.

“Kaya ako nagagalit sa mga sasakyan, hindi man lang sila kumaliwa, kumanan, basta para silang walang naririnig,” sabi ng tattoo artist.

Aminado naman si Trinidad sa panayam ng Kapuso Mo, Jessica Soho na natatakot siya sa mga panahong iyon dahil pakiramdam niya ay hindi na sila aabot ng ospital.

Sabi pa niya, “Wala na akong maisip kaya nininerbyos na ako, nanghihina na pati tuhod ko. Tinulungan ako ng bata (Mewo).”

Ngunit sampung minuto pagkaalis nila ay nakarating din sila sa ospital.

Paliwanag ni Mewo ay hindi lang ito simpleng pagtulong dahil ayon sa kaniya, nakikita niya ang sariling ama kay Tatay Arturo. Kuwento ng tattoo artist ay lumaki siya na malayo ang loob sa sariling ama dahil umano sa pagiging adik nito.

Pagbabalik-tanaw niya, “Simula bata kami, adik tatay ko. Talagang naglalakad na ng hubo't hubad sa barangay namin. Talagang hindi ko naramdaman 'yung pagkakaroon ng father figure kasi ultimo picture naming dalawa, wala.”

Ayon pa kay Mewo ay maaga rin siyang nagtrabaho dahil sa pangyayari. Kinailangan niyang tumigil noon sa pag-aaral para kumita. Ngunit kalaunan ay nagbagong buhay ang kaniyang ama at nagsimulang pumasada ng jeep.

“Nagulat ako, nabiyahe na siya ng jeep. Paggaling niya ng biyahe, may dala nang bigas, may dala nang ulam,” pag-aalala ni Mewo.

Ngunit noong 2013 ay inatake rin ito sa puso. Hindi nila agad nadala ang kaniyang ama sa ospital kaya naman nawalan na rin ng hininga bago pa nakarating doon. Sibukan daw itong i-revive ng mga doktor at nurse, ngunit talagang wala na ito.

“Ang sarap kasi ng may tatay. Ako, tatay ako, apat anak ko, wala akong mahingahan e, kumbaga mahingahan na 'pagod na'ko,' ganu'n. Kaya ako, sabi ko, nararamdaman ko nu'n, para ko siyang tatay (Arturo). Ang utak ko nu'n, hindi ko inisip na hindi ko siya kamag-anak, wala akong inisip na ganu'n. Kaya kung makikita mo sa video 'yung galit ko,” sabi niya.

Maganda man ang hangarin ni Mewo, nakatanggap pa rin siya ng mga pambabatikos at bashing sa social media. Ang ilan, sinabing scripted ang mga nangyari samantalang ang iba, kinundina siya sa pag-video ng nangyari, at sinabing for the content lang ang pagtulong niya.

Sagot ni Mewo sa kaniyang mga bashers, “Hindi ko vinideo, naka-live talaga ako, kahit i-check nila 'yung page ko, araw-araw akong naka-live. Sa totoo lang, hindi ako nakapag-ask ng personal, o message kasi hindi naman kami magkakakilala. Asawa ko 'yung nagpilit sa'kin, 'i-reupload mo to motivate others.'”

Ayon sa report ng Kapuso Mo, Jessica Soho ay nadala naman ni Mewo agad si Tatay Arturo sa ospital, at naasikaso rin ng mga doktor at nurse. Ayon sa cardiologist na si Dr. Alberto Artilano, Ischemic Stroke ang nangyari kay Tatay Arturo.

“Sa tindi ng init ng araw, pwede 'yun mag-trigger ng stroke sa isang tao na matagal nang may sakit. 'Yun namang mga major stroke na pumuputok 'yung ugat, within a few minutes, nawawalan sila ng malay. Kailangan lang na madala sa ospital,” sabi niya.

Sabi naman ng safety and security manager na si Jerry Carual, importante sa mga na-stroke na huwag silang bumagsak sa sahig dahil “80 percent ng namamatay sa inatake ay hindi dahil sa atake, kundi dahil bumagsak.”

BALIKAN ANG CELEBRITIES AT SHOWBIZ PERSONALITIES NA NA-STROKE AT NAGKAROON NG HEART DISEASE SA GALLERY NA ITO:

Samantala, ayon kay Nanay Trinidad ay ito na ang ikatlong atake ni Tatay Arturo. Mabisyo rin dawn ang kaniyang asawa. Ngunit kahit ganu'n ay naligtas pa rin si Tatay Arturo sa kapahamakan at matapos ang tatlong araw sa ospital ay nakalabas din ito.

Punong-puno ng pasasalamat sina Nanay Trinidad at Tatay Arturo kay Mewo.

Sabi pa ni Tatay Arturo, “Nu'ng bago siya (Mewo) umalis, dumukot pa siya ng pera. PhP3,000 plus, inabot sa misis ko. Bihira 'yun, bihira! Itong taong 'to, magiging bahagi na ng buhay ko na 'to. Makakatulong siya na magkaroon ako ng pangalawang buhay.”

Dinalaw rin ni Mewo sina Nanay Trinidad at Tatay Arturo, dala ang isang in-edit na litrato nila kasama siya, at ilang groceries. Ngunit may sorpresa rin sila para sa kanilang good samaritan, edited na litrato ni Mewo kasama naman ang kaniyang ama.

Panoorin ang buong segment ng Kapuso Mo, Jessica Soho, rito: