
Noong nakaraang Linggo (February 6), ipinamalas nina The Clash alumni Jennie Gabriel, Thea Astley, at Jessica Villarubin ang kanilang galing sa pagkanta at birit sa The Boobay and Tekla Show.
Nasaksihan dito ang Queendom showdown ng tatlong Kapuso singers matapos nilang awitin ang hit tracks nina international artists Adele, Beyonce, at Whitney Houston.
Una nang inawit ni Jennie ang kantang “Listen” ni Beyonce habang kinanta naman ni Thea ang awitin ni Adele na “All I Ask.” Pagkatapos nito, inawit ni Jessica ang kantang “I Have Nothing” ni Whitney Houston.
Nagharap naman sa isang intense birit battle ang Queendom All-Stars, na sina Jennie, Thea, at TBATS All-Stars, na binubuo nina Pepita Curtis, Ian Red, at John Vic De Guzman, nang awitin nila ang 2002 hit track ng Aegis na “Sinta.”
Humarap rin sa isang hamon ang All-Out Sundays singers dahil kailangan nilang awitin ang kantang “Bahay Kubo” na iba't ibang bersyon. Ipinamalas ni Jennie ang kanyang sexy version ng naturang kanta habang inaakit si John Vic.
Samantala, inawit ng The Clash Season 3 grand champion ang “Bahay Kubo” sa tono ng kantang “Sitsiritsit."
Operatic version naman ang naging challenge para kay Thea habang inaawit ang "Sitsiritsit." Hindi rin nagpahuli si TBATS host Boobay at ipinamalas ang kanyang "Shakira version" ng naturang kanta.
Bago matapos ang masayang gabi, ipinakita ang tatlong nakakatawang videos na isinumite ng viewers sa “Pasikatin Natin 'To.” Kabilang dito ang “Kasal o Sakal” wedding video galing kay Walter Ces, ang “Excuse Me Po” video mula kay Angelo Eliran, at “Banana Challenge” ni Isaac Monday.
Para sa mas marami pang tawanan at kulitan, tutukan ang The Boobay and Tekla Show tuwing Linggo sa GMA pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho.
Samantala, muling balikan ang hottest “May Pa-Presscon” episodes ng TBATS noong 2021 sa gallery na ito.