
Napatalon sa saya ang Team Awesome nang maipanalo nila ang PhP200,000 jackpot prize sa kanilang paglalaro sa Kapuso weekday game show na Family Feud ngayong Lunes, January 29.
Ang Team Awesome ay binubuo ng mga child performer na napapanood sa iba't ibang Kapuso programs.
Kabilang dito ang batang aktres na parte ng cast ng upcoming historical drama na Pulang Araw na si Cheska Maranan.
Kasama ni Cheska ang gumanap bilang little Black Rider na si Don Cervito, ang gumanap na batang Elias sa Maria Clara at Ibarra na si JM San Jose, at ang little Kate Valdez sa Unica Hija na si Lyanne Bron.
Nakalaban ng Team Awesome ang Team Funtastic na grupo rin ng mga child stars na sina Jewel Milag, Jinwen Simanda, Jhon Jhon Ventura, at Benedict Lao.
Sa kanilang paglalaro, panalo ang Team Awesome sa first round sa score na 33 points.
Pagdating naman sa second round, nakabawi ng panalo ang Team Funtastic sa score na 72 points.
Pero gigil na bumawi ang Team Awesome sa thrid round kung saan nakakuha sila ng score na 225 points.
Sa final round, mas naungusan pa ng Team Awesome ang Team Funtastic nang masagot nila ang lahat ng survey answers sa tanong na “Sa inyong palagay, ano ang kailangan ng mahihirap?”
Sa final score, nakakuha ang Team Awesome ng 522 points habang nanatili sa 72 points naman ang score ng Team Funtastic.
Pagdating sa fast money round, sina Cheska at JM ang naglaro. Dito ay nakaipon sila ng 202 points na lagpas pa sa kinakailangang score upang makuha nila ang jackpot prize na PhP200,000.
Samantala, makakatanggap naman ng PhP20,000 ang GMA Kapuso Foundation bilang napiling charity ng Team Awesome habang nag-uwi pa rin ng PhP50,000 ang Team Funtastic.
Tumutok naman sa Family Feud kasama si Dingdong Dantes, Lunes hanggang Biyernes, 5:40 ng hapon sa GMA.
Maaari rin itong mapanood via livestream sa Family Feud YouTube channel at Facebook page, GMA Network YouTube Channel, at sa Family Feud show page sa GMANetwork.com.