
Mainit ang naging pagtanggap ng mga manonood sa unang episode ng The Best Ka! noong Linggo, Pebrero 20.
Umani ng mataas na ratings ang programa at pinag-usapan din sa social media ang ilan sa mga kakaiba at nakaaaliw na kuwento tulad ng pinakamahabang dila, pinakamaraming toothpicks na naikabit sa balbas, at pinakamatagal na pagsabak sa “gurning challenge.”
Bukod sa nakamamanghang records na inihatid noong nakaraang episode, marami rin ang kinilig at natuwa sa kulitan ng mag-asawang sina Mikael Daez at Megan Young, na unang beses pa lamang nagkatrabaho bilang co-hosts sa telebisyon. Pinuri ng mga manonood ang malikhain nilang paraan ng pagkuwento sa “Best of the Best” entries na nagmula mismo sa Guinness World Records.
“Very informative and funny at the same time. Congratulations to Mikael Daez and Megan Young for doing a great job. Bravo on the first episode,” pahayag ng isang netizen.
Binigyang-pugay din ang pinaghalong aral at aliw na buong pusong ipinapangako ng programa sa mga susunod na linggo.
Kuwento pa ng isang tagasubaybay ng The Best Ka!, “Nanonood ang mga bagets after ng siesta. The best na Sunday habit itong 'The Best Ka!' Informative, entertaining at inspiring din.”
Patuloy na manood, matuto, at maaliw sa The Best Ka! tuwing Linggo, 3:50 p.m. dito lamang sa GMA.