
Kinilala si Sue Prado bilang Best New Lead Actress sa ginanap na 7th Urduja Heritage Film Awards.
Isa si Sue sa mga personalidad mula sa GMA Network na kinilala sa kanilang mga natatanging pagganap sa iba't ibang mga proyekto.
Si Sue ay binigyan ng Best New Lead Actress award para sa pelikulang Alma-Ata. Siya ay gumanap sa karakter ni Julia Cuevas, isang Melbourne-based medical practitioner na naghahanap ng kasagutan tungkol sa hindi inaasahang pangyari sa kanyang mga magulang.
Ayon kay Sue, ang parangal na kanyang natanggap ay nagpapaalala na marami pa ring dapat ipagpasalamat sa gitna ng iba't ibang mga pangyayari sa mundo.
Ani ng aktres sa mensahe na kanyang ipinadala sa GMANetwork.com, “Humbling. Pagpapaalala na maraming ipagpapasalamat pa rin inspite of and despite the craziness of it all.”
Ibinahagi rin ng The Lost Recipe star na iniaalay niya ang kanyang Best New Lead Actress Award sa lahat ng mga migranteng Pilipino. Ito rin umano ay para sa mga patuloy na lumalaban para sa karapatang pantao.
“Sa mga migranteng Pilipino sa buong mundo. Sa mga lumalaban sa pagtataguyod ng mga karapatang pantao. Di tayo dapat pasiil.”
Maganda ang naging simula ng taon ni Sue dahil sa kanyang natanggap na parangal. Ayon kay Sue, puno siya ng pasasalamat.
“Punung-puno ng pasasalamat, at taimtim na dasal for strength of the heart, mind, and spirit.”
Ngayong January ay mapapanood rin si Sue sa bagong GMA Public Affairs series na The Lost Recipe. Ang The Lost Recipe ay fantasy romance series na pagbibidahan ng tambalang Mikee Quintos at Kelvin Miranda o #MiKel.
Photo source: The Lost Recipe
Mapapanood si Sue bilang si Honey Napoleon. Siya ay ang ina ni Chef Harvey Napoleon na gagampanan naman ni Kelvin. Si Kelvin ay isa rin sa mga binigyang parangal ng 7th Urduja Heritage Film Awards. Siya naman ay nakatanggap ng Best Young Actor award para sa kanyang pagganap sa pelikulang Dead Kids.
Ang The Lost Recipe ay hango sa pinagsama-samang kuwento ng love, time travel, at ng culinary world. Magsisimula na ito ngayong January 18, 8:00 p.m. sa GMA News TV.
Kilalanin ang iba pang makakasama ni Sue sa The Lost Recipe sa gallery na ito: