
Apat na tulog na lang, mapapanood na ang pinakabagong original game show ng GMA, ang The People Have Spoken. Pero bago sumabak sa una niyang game show hosting stint ang co-host ng The People Have Spoken na si Sean Lucas, sasabak muna siya sa masayang game sa Family Feud bilang contestant.
Ang rising stars ng Sparkle na sina Sean Lucas at Kobie Brown ay mapapanood ngayong Martes sa Family Feud!
Si Sean ay ang co-host ng bagong GMA game show na The People Have Spoken at mangunguna sa Team BiScia. Makakatapat niya si Kobie Brown, isa sa mga pinakabagong artist ng Sparkle, na siyang mangunguna naman sa Team Brown.
Kasama ni Sean sa Team BiScia ang kanyang mga matatalino at malalapit na kaibigan mula sa Philippine Science High School Northern Mindanao Campus. Kabilang dito si MJ Medtamak, ang Finals MVP ng Pisay Alumni Basketball League para sa season 2025-2026 at kasalukuyang BS Industrial Engineering student sa University of the Philippines Los Baños. Makakasama rin niya sina Ria Enot, isang BS Life Sciences student sa Ateneo de Manila University at dating miyembro ng Ateneo Blue Babble Battalion, at Patrick Dinopol, na BS Civil Engineering student sa De La Salle University.
Mapapanood si Sean sa The People Have Spoken kasama si Heart Evangelista simula ngayong Sabado, June 6, 6:15 p.m.
Samantala, pangungunahan ni Kobie ang Team Brown. Ipinanganak at lumaki si Kobie sa United Kingdom at unang nakilala ng publiko bilang “Charming Striker ng Parañaque” sa Pinoy Big Brother: Connect. Siya ay dating theater performer, football player, at DJ. Mabilis din niyang napabilib ang marami nang maging bihasa siya sa pagsasalita ng Tagalog matapos manirahan sa Pilipinas sa loob lamang ng tatlong taon.
Kasama ni Kobie sa Family Feud ang kanyang ina na si Maita Literal, isang dialysis nurse na mahilig din sa pagkanta at pagbe-bake. Sasamahan din siya ng kanyang ninang na si Alma de Leon, isang doktor at dermatologist, at si Michelle Anne Gonzales, Chairperson at CEO ng Presidential Commission for the Urban Poor, dating konsehal ng Taguig City, gemologist, at cooking enthusiast.
Abangan ang masayang sagupaan ng Team BiScia at Team Brown sa fresh episode ng Family Feud ngayong June 2, 5:35 p.m. sa GMA at sa Kapuso Stream.
Huwag kalimutang sumali sa “Guess More, Win More” promo ng Family Feud! Manood lamang ng Family Feud para sa pagkakataong manalo ng papremyo araw-araw. Tutok na Lunes hanggang Biyernes sa Family Feud para sa kabuuang detalye.